SAN VICENTE, Palawan — Agaw-pansin ngayon ang mga puno ng Golden Shower sa bayan na ito dahil sa mga bulaklak nito na mayabong sa kahabaan ng kalsada mula sa Sitio Inarayan, Barangay New Agutaya, patungo sa Brgy. San Isidro.
Ang mga ito ay itinanim noong Septyembre 23, 2013, bilang bahagi ng community service sa pagpapaganda ng mga pangunahing kalsada dito. Kasama sa pagtatanim noon ang pamahalaang barangay ng New Agutaya at San Isidro, DENR, Municipal Tourism Office, Marine Battalion Landing Team-4, at mga miyembro ng CBFM.
Ayon Kay Nida Collado, Community-Based Forest Management (CBFM) leader ng San Vicente, maaaring magsimula ang mga ito na mamulaklak sa loob ng tatlo hanggang apat na taon mula sa pagkakatanim.
Ang bulaklak ng Golden Shower ay nagsisimulang mamukadkad sa huling linggo ng Pebrero at nagtatagal hanggang buwan ng Hunyo.
Handa naman ang CBFM para mamigay ng mga punla sa mga barangay na nais magtanim sa kanilang mga nasasakupan lalo sa mga panguhaning kalsada. Kailangan lamang makipag-ugnayan sa barangay at sa Municipal Planning and Development Office (MPDO) at mga may-ari ng lupang dadaanan ng pagtatanim sa mga tabing kalsada ng sa gayon ay hindi masayang ang mga punlang kanilang ipapamahagi.
“Make sure lang na hindi masayang, maitanim agad sa lugar na di na maapektuhan ng road widening mas maganda Kong may proper zoning na agad siya bago maitanim. Magpadala lamang ng request letter sa amin ang mga barangay na gusto humingi ng punla tutulong pa kami sa pagtatanim,” ani Collado.



