Iba’t-ibang hugis ng saranggola o “bulador” sa wikang Cuyonon ang nagtagisan sa isang bolador contest sa Barangay Suba sa bayan ng Cuyo noong araw ng Linggo, Abril 11.
Mahigit 30 saranggola na may iba’t-ibang hugis at disenyo katulad ng spider web, bubuyog, at paru-paro ang sabay-sabay na pinalipad ng mga kabataan sa baybayin ng Suba para sa nasabing contest.
Ayon kay Dindo Sebido, Sangguniang Kabataan Federation president ng Cuyo, dati ng mayroong ganitong pa-contest ngunit sa mismong bayan ito ginagawa.
“Noong wala pang pandemic, may ganitong pa-contest na talaga sa Cuyo, kaso kung gagawin namin sa bayan, baka hindi namin ma-control yung crowd so, naisip namin na sa barangay na lang muna para masiguro namin na hindi ganoon karami ang manunuod at kontrolado pa namin dahil sa isang private beach namin isinagawa ito,” paliwanag niya.
“Marami kasing kabataan dito sa amin ang mahilig magpalipad ng saranggola lalo na tuwing amihan. Since wala pang liga ngayon, naisip namin na isagawa na lamang ito para kahit paano ay maibsan ang pagkabagot nila,” dagdag niya.
May tag-sasampung entry ang nagpakitang gilas sa tatlong kategorya ng contest. Ito ay ang paliitan, pagandahan ng disenyo at ang dog fight o “binong” sa wikang Cuyonon na ang ibig sabihin ay maglalaban sa taas ang saranggola at kung sino ang maiiwan ay siya ang mananalo.
“Maglalaban sila sa taas, magpuputulan ng tali,” ani Sebido. Sa paliitan ay isa lang ang mananalo. Sa pagandahan ay may first, second, at third place at sa binong naman ay isa lang din. “Ang huling saranggola na maiiwan sa taas,” dagdag niya.
Ayon pa kay Sebido, umaasa silang ang bulador contest ay magbigay pag-asa rin sa mga kabataan sa panahon ng pandemya para hindi mawala ang hilig ng mga ito sa pagpapalipad ng sarangola.



