Brooke’s Point, nakahanda laban kay ‘Ompong’

(File photo)


Nakahanda ang bayan ng Brooke’s Point sa ano mang posibleng maging epekto ni bagyong “Ompong.”

Ayon kay Danilo Esmerio ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), nasa 60-70 poryento ang kanilang paghahanda bagama’t hindi direktang tatama si “Ompong” sa Brooke’s Point.

Sabi ni Esmerio noong Biyernes, maliban sa walong evacuation centers na ipinatayo ng munisipyo, handa rin ang mga eskwelahan sakaling mayroong ilikas.

“Activated lahat ng operation centers natin dito sa Brooke’s Point and kahapon ay nagkaroon na nang pagpupulong ang peace and order council, nag-usap-usap ang ahensya ng PNP, Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Marines na kung sakaling kakailanganin ang kanilang pag-responde at kailangan ng mag-convey ng evacuees ay ready naman sila,” ayon kay Esmerio.

Nagsagawa din umano ng information dissemination campaign ang MDRRMO sa bawat baranggay na nagsimula pa noong buwan ng July at August upang mapaabot sa kaalaman ng bawat pamilya ang kahalagahan ng paghahanda kung sakaling may mga kalamidad lalo na sa mga  coastal area.

“Ang kahandaan kasi ay hindi nakasalalay sa ating opisina, kundi sa bawat pamilya at komunidad.  Importante na naka-mind set sa kanila na kapag may baha, kung nasa school ang anak, nasa bukid ang ama at nasa bahay ang ina, sa evacuation na sila dumiretso at magkita-kita: Hindi yong uuwi pa sa bahay bago lilikas ay huli na ang lahat,” dagdag nito.

Samantala, nagbigay naman ng babala ang PCG Brooke’s Point sa pamumuno ng hepe nito na si Nathanael Abella sa mga nakatira sa tabing-dagat at bahaing lugar na magbantay at mag-ingat dahil posibleng magkaroon ng biglaang pag-taas ng tubig.

Hindi rin pinapayagan ng PCG na maglayag  sa dagat ang mga mangingisda upang maiwasan ang sakuna.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...