Inatasan ni mayor Mary Jean Feliciano ang pamunuan ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) na mag-sumite ng kanilang proposed plan o platform kung paano solusyunan ang patuloy na suliranin sa mataas na record ng vehicular accidents, violence against women and children (VAWC), at iligal na droga sa kanilang bayan.
Ito ay binanggit ni mayor Feliciano nang mag-courtesy call ang bagong hepe ng himpilan na si P/Lt. Mark RJ Sigue noong Martes, Pebrero 2.
Si Sigue ay walong buwan pa lang sa serbisyo na katatapos lamang ng pag-aaral sa Philippine National Police Academy (PNPA) at naitalaga bilang bagong hepe sa edad na 24 sa kanyang first station.
Iniutos din ni Feliciano na maglaan ng oras ang Brooke’s Point MPS upang magbigay ng tamang kaalaman sa mga driver sa bayan para maiwasan ang disgrasya.
“Maglaan tayo ng oras para ma-educate ang mga driver kung paano ang tamang pagmamaneho at kung paano gamitin ang kalsada lalo na at six lane na ito para maiwasan ang vehicular accident,” pahayag niya.
Tiniyak din ni Feliciano na suportado ng lokal na pamahalaan ang MPS na nilaanan nito ng P1 milyon.
“May pondo kayo from LGU para sa pagkain at for fuel and operation,” aniya.
Siniguro naman ni Sigue na bagama’t siya ay bago pa lamang sa tungkilin ay magiging mahusay ang kanyang gagawing serbisyo.
“Ito po ay first station ko, and under my supervision ay gagawin natin at ng aking mga kasamahan na mas mapabuti pa ang bayan ng Brooke’s Point,” pahayag ni Siguei.
Aniya, tututukan niya ang pagpapatuloy ng pagsugpo ng iligal na droga dahil ang Brooke’s Point ay isa sa mga bayan na may mataas na kaso nito.
“Sa ngayon ay tutukan natin ang kaso ng droga, magsisimula na tayong gumawa ng target planning natin dahil ito rin ang isa sa mga nais na masupil ni mayor Feliciano,” dagdag niya.
Samantala, pinaalalahanan din ni Feliciano ang mga tauhan ng MPS kaugnay sa mahigpit na pagbabawal ng pag-inom ng alak sa loon ng himpilan nito.
Ayon sa kanya, hindi umano magandang tingnan na ang mga tagapagpatupad ng batas ay sya ring lalabag.
“Ayaw kong uminom kayo ng alak sa police station kahit pa may birthday o ano mang celebration, dahil ang PNP station ay public office at bilang tagapagpatupad ng batas, dapat ay maging huwaran ang PNP sa mamayan. Kung gusto nyong uminom ng alak dapat ay doon sa inyong mga tahanan,” aniya.