BROOKE’S POINT, Palawan — Bilang tugon sa patuloy na tumataas na bilang ng kaso ng nag-positibo sa COVID-19, maglalabas ng mga bagong panuntunan ang Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) ang bayan na ito.
Ito ang napagkasunduan sa isinagawang pagpupulong ng MIATF sa AgriWorld nitong araw ng Martes, Abril 13.
Kabilang sa mga bagong patakaran na ipatutupad ay ang pagpapalaganap ng curfew simula 9:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling-araw, pananatili ng isang angkas nang nagmomotorsiklo, tatlong pasahero sa bawat tricycle, 50% seating capacity para sa mga social gatherings katulad ng birthday parties, kasal, lamay, at simba upang mapanatili ang social distancing.
Mas hihigpitan din ang pagbabantay sa mga mamimili at nagtitinda sa Tabuan tuwing araw ng Lunes upang matiyak na ang lahat ay sumusunod sa health protocols. Ang mahuhuling hindi nakasuot ng face mask at face shield ay papatawan ng multang P200.
Magkakaroon rin ng random checkpoint sa iba’t-ibang bahagi ng bayan upang masiguradong sumusunod sa mga protocols ang mga pampasaherong van, at mas hihigpitan pa ang mga alituntunin para sa mga taong papasok sa bayan ng Brooke’s Point.
Samantala, sa kasalukuyan ay may pitong aktibong kaso ng COVID-19 sa Brooke’s Point kung saan, anim ay maituturing umanong local transmission cases matapos na sumailalim sa RT-PCR test noong Abril 11. Ang isa naman ay nag-positibo sa antigen test noong Abril 8.
Patuloy din ang isinasagawang contact tracing at pagsusuri sa mga nakasalamuha ng mga nag-positibo sa virus.
“Kasalukuyan silang naka-isolate at mino-monitor ng mga nurses at iba pang IATF personnel upang maibigay sa kanila ang kanilang mga pangangailangan,” pahayag ni Dr. Lovelyn Sotoza, municipal health officer ng Brooke’s Point.
Dumalo sa pagpupulong sina mayor Mary Jean Feliciano, ang namumuno sa MIATF; Dra. Lovelyn Sotoza, municipal health officer ng Brooke’s Point; Coralyn Atienza, Department of the Interior and Local Government officer; Sangguniang Bayan member Ton Abengoza, at iba pang miyembro nito.
