BROOKE’S POINT, Palawan- Kasalukuyan pang isinasagawa ng Municipal Health Office (MHO) dito sa pamumuno ni Dr. Lovelyn Sotoza ang pagsasaayos ng masterlist para sa pagsasagawa ng vaccination laban sa COVID-19.
Sa impormasyong nakalap ng Palawan News kay Sotoza, nalaman na hindi pa tapos ang kanilang ginagawang masterlist na siyang magiging batayan kung ilan ang ipapadalang bakuna sa Brooke’s Point.
“Hindi pa tayo tapos sa masterlisting kaya hindi pa po natin alam kung ilan ang target na babakunahan, dahil iyon ang hinihingi sa amin sa ngayon” pahayag ni Sotoza.
Idinagdag niya na kabilang sa mga prayoridad na mabigyan ng bakuna ang mga frontliners na syang pangunahing humaharap sa pandemic. Isusunod umano ang mga senior citizens at mga indigent na may edad 18-59 taong gulang.
Inihayag din ni Sotoza na may mga nakatalaga nang lugar kung saan gagawin ang pagbabakuna at may mga tao na ring magbabakuna sakaling dumating na ang anti-covid vaccine.
“Meron pong mga sites kung saan ito isasagawa, ang mga hospitals ay mayroong sariling team, sila ang magbabakuna sa kanilang sariling frontliners at sa community naman ay RHU ang gagawa,” paliwanag ni Sotoza.
Nakadepende rin sa brand ng vaccine na manggagaling sa national government kung ilang dose ng bakuna ang ibibigay sa bawat tao.
Samantala, nilinaw din ni Sotoza na sa ngayon ay wala pang vaccine na dumadating sa bayan dahil wala pang lugar na mapaglalagyan. Aniya, kasalukuyang isinasaayos pa ito ng pamahalaang panlalawigan dahil sa ngayon ay wala pang munisipyo ang may sapat na kakayanan sa paglalagyan ng vaccine.
“Siniset-up pa lang ng province sa ngayon wala pang munisipyo ang may kakayanan ng storage ng vaccine,” ayon kay Sotoza.
