BROOKE’S POINT — Nagdulot ng takot sa mamamayan ng Brooke’s Point ang mabilis at biglaang pagtaas ng tubig sa lugar ng pamilihang bayan malapit sa dagat, ganap na ika-pito ng gabi noong Enero 11.
Umabot sa halos hanggang tuhod ang baha na naging dahilan upang maabala maging ang mga motorista.
Ayon sa ilang residente ng lugar, taun-taon nangyayari ang malakas na hampas ng alon na nagdudulot, subalit ngayon ay naging hindi pangkaraniwan ang mabilis na pagtaas ng tubig.
‘Taun-taon lumalakas ang alon lalo na sa bandang buwan ng December, pero nahuli lang ngayon dahil January na nangyari ito. At saka ngayon lang din naging ganyan kabilis ang pagtaas ng tubig,” pahayag Vick Dalisay
Samantala, agad namang naghanda ang lokal na pamahalaan at inalerto nito ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pangunguna ni Dan Esmerio na kung sakaling mas tumaas pa ang tubig ay agad nitong ililikas ang mga mamamayang nakatira sa mga coastal areas na unang naapektuhan nang pagtaas ng tubig-dagat.
Nakahanda na rin ang mga evacuation centers kung sakali mang may mamamayang kailangang ilikas.
“Ready naman ang ating mga evacuation kung sakaling mayroong kailangang ilikas. So far, hindi naman masyadong delikado kasi karaniwan na ito ay dulot lang ng high tide na sinabayan lang ng amihan,” paliwanag ni Esmerio.