Humigit-kumulang 700 katao ang nakatanggap ng food packs mula sa programang Barangayanihan Ayuda na isinagawa ng El Nido Municipal Police Station (MPS) sa Barangay Sibaltan noong araw ng Lunes, Mayo 17.
Ang programa ay patuloy na isinasagawa ng pulisya sa layuning makapagpaabot ng tulong sa bawat mamamayan na nangangailangan ngayong panahon ng pandemya kung kailan, marami ang nawalan ng trabaho at ang iba naman ay nabawasan ang kita o di kaya ay walang maayos na pagkakakitaan.
Ayon kay P/Cpl. Edwin Antimano, sa pamamagitan ng mga ganitong gawain ay natutulungan nila na huwag mawalan ng pag-asa at maramdaman ng mga mamamayan na nariyan ang gobyerno para sa kanila at upang mas mapalapit ang tiwala nila sa ating mga pulis at sundalo.
“Napakaraming mamamayan ang nawalan nang kabuhayan at trabaho ngayong panahon nang pandemya. Bilang kawani nang gobyerno, hangad nang pulisya na matugunan ang pangangailangan nang ating mga kababayan, sa pamamagitan ng iba pang sangay at ng pribadong sektor na nagbibigay nang tulong pinansiyal at pagkain. Abot-kamay natin itong naipapamahagi sa mga residente na kahit papaano magkaroon silang sapat na supply sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay,” paliwanag ni Antimano.
“Sa pamamagitan nito ay nabibigyan natin sila nang pag-asa at saya sa kabila nang pandemyang kinakaharap nang bawat isa,” dagdag niya
Ang aktibidad ay naisagawa ng El Nido MPS sa pangunguna ni P/Maj. Analyn A. Palma, sa pakikipagtulungan ng isang pribadong indibidwal na si Gemma Crosby kasama ang Treasure Point Company, 23rd Marine Company sa pangunguna ni 1st Lt. Dwight Payosalan, at ng grupong Kabataan Kontra sa Droga at Terorismo (KKDAT) ng El Nido.



