Nasa kritikal na kalagayan ngayon sa isang ospital sa Puerto Princesa City ang isang pulis mula sa bayan ng Rizal matapos itong pagbabarilin ala una ng Martes ng hapon ng hindi nakikilalang suspek.
Ayon sa tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office (PPPO) na si Senior Inspector Ric Ramos, kumpirmado na naging biktima ng pamamaril si PO3 Rodelph Saldajeno ng municipal police station (MPS) ng Rizal noong ika-8 ng Enero.
Nasa lugar pa rin ng pinangyarihan ang kanilang mga imbestigador para alamin ang buong detalye ng pamamaril kaya’t maging siya ay hindi pa makapagbigay sa Palawan News ng iba pang mahalagang impormasyon.
Pero ayon sa immediate pastor ni Saldajeno na si Herminigildo Lusoc, nangyari ang pamamaril sa harap mismo ng Rizal MPS sa Barangay Punta Baja pagkatapos nitong bumalik mula sa paghatid sa anak sa eskwelahan.
“Naghatid siya [sa school] ng anak niya, pabalik na siya ng office, papunta siya ng office. Mag-isa lang siya, naka-motor siya. ‘Yong bumaril sa kanya naglalakad lang. Nakatakbo po siya, nakarating pa siya ng istasyon ng police. Mga kasama niya ring police ang nagdala [sa kaniya] dito sa ospital. Hinabol ng mga pulis ang [bumaril sa kaniya] kaya lang nakatakbo,” ayon kay Lusoc.
Ilang sugat ang sinasabing natamo ng pulis sa katawan mula sa mga tama ng bala ng baril.
Ayon pa kay Lusoc, unang isinugod si Saldajeno sa Rizal District Hospital at pagkatapos ay agad din itong inilipad sa Puerto Princesa City sa pamamagitan ng isang light aircraft para sa mas ukol na lunas.