March 03, 2021 |

Boarding house sa Brgy. San Manuel, ninakawan

Napasok ang isang boarding house sa Brgy. San Manuel matapos sungkitin ang lock ng main door mula sa labas

Pinag-iingat ng isang biktima ang mga residente sa Barangay San Manuel dito sa Puerto Princesa dahil sa nangyaring pagnanakaw sa kanila sa boarding house, madaling araw ng Sabado, sa Tipoco Road 1, Purok Everlasting kung saan natangayan sila ng hindi nakikilang suspek o mga suspek ng aabot sa P40,000.

Ayon kay Rosalyn Tarawe, 3:30 ng umaga ng Pebrero 13 ng malaman ng kanyang lola na sila ay nanakawan matapos makita nitong nakabukas ang kanyang bag at wala na ang mga importante nitong papeles at dokumento, mga ID, at ang P10,000 na laman nito.

Maging siya ay nanakawan din ng cellphones, charger, at ng P30,000 na pera na panggastos sa trabaho nila ng kanyang kapatid na siya ang humahawak.

Napasok ang kanilang boarding house matapos sungkitin ang lock ng kanilang main door mula sa labas, ayon kay Tarawe.

“Sa kuwarto [kami], hindi namin namalayan. Nagising na lang po si lola, tapos pagtingin niya sa bag niya, nakabukas na. Nakuha na ang bag niya na dalawa — ang laman po ng bag niya P10,000 at mga papel ng mga pasyente na tinutulungan niya sa bayan namin sa Rizal,” sabi ni Tarawe.

Habang isinusulat ang balitang ito ay naghahanda na silang magtungo sa tanggapan ng pulisya para i-report ang pangyayari.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry