"Sa bawat patak ng dugo, katumbas ay buhay," ito ng nasa puso ng blood donor sa larawan habang kinukuhanan ng dugo sa isinagawang Mobile Blood Donation activity sa Brgy. Lumangbayan covered court noong Nobyembre 30. (larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro — Bilang bahagi sa nalalapit na pagdiriwang ng Sto. Niño Festival sa Enero 1, pinangunahan ng Calapan City Blood Council (CCBC) ang isang blood-letting activity na may temang ‘Mobile Blood Donation: Sa bawat patak ng dugo, katumbas ay buhay’ na isinagawa sa Brgy. Lumangbayan covered court noong Nobyembre 30.

Dumalo si CCBC Chairman at Calapan City Vice Mayor Gil G. Ramirez sa nasabing gawain. Aniya, “bawat Calapeño na nakikibahagi na may kakayahang mag handog ng dugo ay kanilang bukas palad na tinatanggap”. Karamihan sa mga ito ay mga barangay opisyal, pulis, grupo o mga organisasyon at ilang regular na nagbabahagi tuwing may mga kahalintulad na gawain. Layunin ng nasabing aktibidad ay makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng dugo lalo na ang mga walang kakayahang bumili nito sa oras ng kagipitan.

Dagdag pa ng bise alkalde “mahalaga ang pag bibigay ng dugo sa kapwa nating nangangailangan dahil hindi natin alam baka isa dito ay mahal natin sa buhay. Ating tandaan na sa bawat patak ng dugo, katumbas ay buhay.”

Nagpaalala din ang samahan ng CCBC sa mga nais mag handog ng dugo na kailangan 18-55 taong gulang sa mga unang magdo-donate habang 18-60 taon gulang naman para sa mga regular na nagdo-donate.

Sa mga regular na nagkakaloob naman, kada makalipas ang tatlo o apat na buwan ay maaari na ulit itong magpakuha ng dugo. Kinakailangan rin na naka-anim hanggang walong oras na pagtulog.

Ayon naman kay CCBC Vice Chairman at Committee Chair on Health and Sanitation, City Councilor Mary Pauline Mylene De Jesus, hinihingi niya ang kooperasyon ng bawat barangay lalo na ang mga opisyal dito na makibahagi at magdala ng hindi bababa sa sampung donors. Target aniya nila na makapangalap ng 200 blood bags sa araw na iyon. (DN/PIA-OrMin)

About Post Author

Previous article2 district jails sa Palawan, idinineklarang ‘drug-cleared’
Next articlePatience over impatience