Sa larawan na ito ay makikita si Gerald Untalan Aguila (may nakaturo na arrow) na sinasabing nagbitaw ng bomb joke noong umaga ng Pebrero 20, 2022, sa Puerto Princesa International Airport. (Photo from PNP Aviation Security Group)

Na-delay ang pag-alis ng isang eroplano ng Cebu Pacific patungong Maynila matapos na magbiro tungkol sa bomba ang isang pasahero na ikina-alarma ng awtoridad sa Puerto Princesa International Airport (PPIA) nitong araw ng Linggo, Pebrero 20.

Sa panayam kay Aviation Secutiry Group (ASG) chief, P/Maj. Randy Gabuco, ang lalaki na kinilalang si Gerald Untalan Aguila, ay lilipad na sana pauwi sa Maynila kasama ang lima pa nitong kanegosyo sakay ng Cebu Pacific. Ngunit pinigilan nila ito matapos na magbiro sa kasamahan niya tungkol sa bomba, na nadinig ng staff ng nasabing airline.

Ayon kay Gabuco, nakaupo ang anim malapit sa boarding gate, habang naghihintay na umikli ang pila, nang mapansin ng suspek na hinahalungkat ng isang kasamahan ang bagahe nito.

Si Gerald Untalan Aguila na sinasabing nagbitaw ng bomb joke sa PPIA. (Photo from PNP Aviation Security Group)

“Nasa boarding area na sila, pasakay na sana ng eroplano nang mapansin niya na nagche-check ng bagahe [yong kasamahan], tapos biniro niya na ‘naka ilang check ka na ba ng bag mo? Siguro may granada ka diyan,’ parang ganoon lang,” pahayag ni Gabuco.

Aniya, nasa lungsod si Aguila at ang mga kasamahan para sa isang negosyo at pauwi na sa Maynila noong Linggo ng umaga.

Dahil sa nasabing bomb joke, pinababa ang mga pasaherong una nang nakasakay ng eroplano at ipinadala sa kanila ang mga sariling hand-carry baggage upang masuri ng EOD/K9 unit.

“Pagkasabi noon, tinawag ang pulis, tapos ang EOD/k9 pina-random check ulit. Pina-deplane ang mga pasahero, ‘yung mga nakaakay na pinababa, pina-panelling ng EOD K9 natin,” ani Gabuco.

“Hindi sila taga-Palawan, may business lang sila dito na inaasiko,“ dagdag niya.

Matapos ang halos isang oras na delay sa paglipad ng eroplano ay pinayagang sumakay ang limang kasamahan ng suspek maliban sa kanya.

“Pinayagan pa rin makasakay ang lima, hinold na si Aguila for further investigation. Pero hindi na siya kinasuhan ng Cebu Pacific for humanitarian reason,” ani Gabuco.

Panawagan ng ASG, ang pagbibiro tungkol sa bomba sa mga paliparan ay mahigpit na ipinagbabawal alinsunod sa Presidential Decree 1727. Ang sino mang lalabag dito ay maaring maparusahan ng limang taong pagkakulong at multa na nagkakahalaga ng P40,000.

Ayon pa kay Gabuco, ito ang kauna-unahang bomb joke na kanyang na-encounter sa PPIA mula ng ma-assign siya dito noong taong 2018.

About Post Author

Previous articlePetitioners press case to disqualify Bayron before COMELEC en banc
Next article1 dead, 2 police pilots hurt as PNP chopper crashes in Quezon
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.