Pormal nang tinanggap ni Bise Gobernador Victorino Dennis M. Socrates ang paghirang sa kanya ng Partidong Pagbabago ng Palawan (PPP) na kanyang kinabibilangan para kumandidato bilang gobernador ng lalawigan sa darating na halalan sa 2022.
Ito ay nangyari noong Biyernes, Setyembre 17, sa isinagawang kumbensyon at pagpupulong ng partido sa Badjao Seafront Restaurant sa Puerto Princesa City.
Sa kanyang pagsasalita, binigyang diin niya ang kanyang adbokasiya at plataporma sa pagtakbo mula noong nanungkulan siya bilang mayor ng Puerto Princesa City at kongresista ng Ikalawang Distrito ng Palawan — ang good governance na napapaloob sa mga katagang, “Serbisyo, Progreso, at Sambayanan” o SPS.
“Sa pagprisinta ng aking pagkatao bilang kandidato para gobernador, dala-dala ko ang adbokasya ng Good Governance na dala-dala na natin sa simula pa lamang ng aking pakikilahok bilang kandidato sa pulitika—bilang city mayor, bilang congressman—hanggang sa kasalukuyan at sa hinaharap. At bilang mahahalagang sangkap ng good governance, nais kong bigyang diin ang mga konsepto ng Serbisyo, Progreso, at Sambayanan,” pahayag ni Socrates.
Bahagi rin nang pananalita ni Bise Gobernador Socraates ang panawagan na magkasundo, at higit sa lahat, ay magkaisa ang mga Palawenyo sa ngalan ng kaunlaran at komunidad.
Ayon sa kanya, ang mga Palawenyo ay nabibilang sa iisang komunidad at hindi dapat nagkakawatak-watak, lalo na ngayong panahon na may hinaharap na pandemya.
“Tayong mga Palawenyo ay isang komunidad—katutubo ka man o hindi, Palawenyo ka man by birth or by blood or by choice—lahat tayo ay isang sambayanan kung tutuusin, pinagbubuklod ng pag-ibig—na kung sa nakaraan ay nagkawatak-watak sa hindi pagkakasundo at sa harap ng mga pasanin sa kasalukuyan, ngayon ang panahon upang magtulungang muli,” ayon sa kanya.
“Lahat tayo ay kasali sa Palawan progress, lahat tayo ay stakeholders, may bahagi sa usapan ng pagsulong ng Palawan,” idinagdag ni Socrates.
Nagpasalamat rin si Socrates sa mga makakasama niyang kandidato sa partido para sa kaunlaran ng lalawigan sa darating na halalan sa 2022 na pormal din na tinanggap ang paghirang sa kanila.
Ang mga ito ay sina Board Member Leoncio Ola (incumbent board member) bilang bise gobernador, Tony Alvarez na nagbabalik at kakandidato bilang congressman sa unang distrito ng Palawan, at Cong. Gil Acosta (incumbent) para sa ikatlong distrito.
Sa line up naman sa board member sa unang distrito, ang mga kakandidato ay sina Maria Angela Sabando (incumbent), Juan Antonio Alvarez (incumbent), Roseller Toto Pineda, at si Winston Arzaga.
Sa ikalawang distrito, ang mga kakandidato sa pagka board member ay sina Ryan Dagsa Maminta (incumbent), Marivic Roxas, Aris Arzaga, at Al Ibba.
Sa ikatlong distrito, ang tatakbo bilang board member ay Rafael “Junjun” Ortega.
“Tayo po ang mga magdadala ng bandila ng Partido Progresibo ng Palawan,” ayon sa bise gobernador.
