NARRA, Palawan — Sa muling pagbubukas ng Mt. Victoria para sa mountain climbing activities ay nilimitahan ng Narra Municipal Tourism Office (MTO) sa dalawang grupo na may 10 hanggang 15 miyembro lamang ang binibigyan ng visitor’s entry permit at tanging mga local tour guides lang ang papayagang kumuha ng permit bilang pagtalima pa rin sa minimum health standards at safety protocols kaugnay pa rin sa banta ng COVID-19.
Sa pahayag ni Sherwin Corpuz, ang municipal tourism officer ng Narra, noong Linggo, Abril 4, kasabay ng pagbibigay ng permit sa mga local tourists ay nagsasagawa rin sila ng orientation para sa mga guidelines at mga rules and regulations sa pag-akyat sa bundok.
Ani Corpuz, mahigpit nilang tagubilin sa mga mountain climbers na sundin ang mga alituntunin lalong-lalo na ang hindi pagtatapon ng basura sa mga camping sites, at pagpapanatili ng kaayusan at hindi pagkuha o paghuli ng halaman at hayop na makikita sa kabundukan.
“Follow the rules set forth and always listen to their guide’s advice, respect nature,” pahayag ni Corpuz.
Samantala, sa panayam naman ng Palawan News kay Jehson Cervancia, tour guide head ng Mount Victoria, nitong Martes, Abril 6, wala pa naman silang na encounter na grupo ng mga mountaineers na kanilang sinamahan ang hindi sumusunod sa mga Do’s and Dont’s na kanilang ibinibilin simula nang buksan ito sa local tourists .
“From river camping, usually okay naman lahat ng local tourists natin sa Mt. Victoria. Ang MTO natin ay mahigpit din ang rule na maximum 25 pax lang ang pwedeng umakyat sa Victoria per day. Minsan maraming nagbo-book minsan naman kaunti lang din,” pahayag ni Cervancia.
Ayon pa kay Cervancia, responsibilidad din nila bilang tour guide na ingatan ang mga local tourist na umaakyat at siguraduhing ligtas ang mga ito lalo na sa mga hayop na makikita sa bundok.
“Kami bilang tour guides, hindi lang tour ang ginagawa namin kundi sine-secure din po namin ang mga climbers at tinitiyak na nasusunod ang mga Do’s and Don’ts na ipinapapatupad ng tourism sa mga climbers natin,” dagdag niya.
Idinagdag din ni Cervancia na partial pa lamang ang pagbubukas ng Mout Victoria sa mga mountaineers.
“Pinayagan na ang night camping pero kalimitan sa river camp lang bandang Sitto Betlehem at hindi mismo doon sa peak talaga. Kailangan ding magdala ng tent at kailangan umuwi o bumalik agad sa umaga after night camp. kasama din kaming mga tour guide doon sa night camp dahil kailangan na may kasama pa rin silang tour guide,” paliwanag niya.
Ang Mount Victoria ay isa sa pinakamataas na bundok sa lalawigan ng Palawan na nasasakupan ng munisipyo ng Narra na tinaguriang “The second highest mountain in Palawan” at kilala rin bilang “The Last Frontier of Philippine Mountaineering”.
Ang jump off point kung saan nagsisimula ang mga mountaineers sa pag-akyat ay matatagpuan sa sitio Mariwara, barangay Princess Urduja.
Buwan ng Enero ngayong taon ng muli itong buksan para sa tourism activity na pinayagan ng Municipal InterAgency TaskForce on Covid-19 (MIATF).
