Bilang ng mga turista na bumisita sa Romblon, dumoble sa 2018

Ayon kay Kim Anthony Faderon (pangatlo mula sa kaliwa), OIC-Provincial Tourism Office, dumoble sa 2018 ang bilang ng mga turistang bumisita o namamasyal sa mga isla ng Romblon, Tablas, Sibuyan at Corcuera kumpara noong 2017. (Larawan ni Dinnes Manzo/PIA-Romblon)


ODIONGAN, Romblon, Hulyo 2 (PIA) — Dumoble ngayong taon ang bilang ng mga turistang bumisita sa Romblon kumpara noong 2017, ayon sa pamunuan ng Romblon Provincial Tourism Office.

Sinabi ni Kim Anthony Faderon, OIC-Provincial Tourism Office na dumoble ngayong taon ang bilang ng mga turistang bumisita o namasyal sa mga isla ng Romblon, Tablas, Sibuyan at Corcuera.

Aniya, noong Enero-Mayo 2017 ay nakapagtala sila ng 35,000 tourist arrivals sa buong lalawigan, pero hinigitan ang bilang na ito ngayong taon dahil humigit kumulang 100,000 na ang mga turistang bumibisita sa buong lalawigan sa unang limang buwang pa lamang ng 2018.

Batay sa talaan ng provincial tourism office, nasa 50,000 na ang tourist arrivals sa Tablas Island at Carabao Island ngayong unang bahagi ng taong 2018 kung saan hindi pa kasama dito ang datus ng turistang pumunta sa isla ng Romblon at Sibuyan.

Malaking bahagi sa pagtaas ng turismo sa lalawigan ng Romblon ang pagdami ng mga cruise ships na dumaraan sa mga isla ng Romblon at Sibuyan para pasyalan ang magagandang tanawin dito.

Halimbawa nito ang halos 1,000 mga bisita na dala ng M/S Silver Shadow at M/S Silver Whisper na bumisita sa Romblon noong unang bahagi ng 2018.

Samantala, tinitingnan na rin ng Romblon Provincial Tourism Office ang mga lugar sa lalawigan na pwedeng i-develop para maging agri-tourism sites kagaya ng mga magagandang farm sa bayan ng San Andres.

Sinabi pa ni Faderon, na ang bayan ng San Andres ang nakikita nilang pwedeng maging agri-tourism site sa lalawigan dahil magaganda ang farms sa lugar kung saan dito ay matatagpuan ang Milestone Farmville at M.Y. FARM na sikat sa mga turistang agri-tourism ang nais pasyalan.(PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon) ( Source: Philippine Information Agency)

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...