Tinatayang aabot sa 4,000 ang maidadagdag na bilang ng bagong botante sa bayan ng Bataraza, dalawang linggo bago magtapos ang voter’s registration sa Setyembre 30.
Ayon kay Phoebe Narrazid, Municipal Election Officer ng Bataraza, mula sa kabuuang 3,350 aplikasyon na natanggap nila simula buwan ng Hulyo, umabot sa 884 ang naaprubahang bilang ng newly registered voters sa unang pagdinig ng Election Registration Board (ERB) na isinagawa huling linggo ng nabanggit na buwan.
“Mula July up to first week ng September, mayroon tayong more or less 3,000 applicants at ang 884 ay na-approve na noong unang ERB hearing natin. Sa aming pagtaya ay posibleng umabot sa more or less 4,000 ang new voters ng Bataraza,” pahayag ni Narrazid.
Dagdag niya, mayroon pang natitirang 2,466 aplikasyon ang isasailalin sa huling ERB hearing ng opisina sa darating na October 19, kasama ang iba pang aplikante na maaari pang magparehistro habang hindi pa dumarating ang deadline na September 30.
“Wala pa naman ang deadline, maaaring may magpaparehistro pa dito sa ating opisina this last two weeks. Pero baka maliit na lang o iilan kasi ang ating mobile registration sa mga barangay ay tapos na rin. Barangay Sandoval nalang din ang naiiwan, pero dahil nga nasa ilalim ng GCQ ang Bataraza, baka “on site registration” na lang o magtutungo nalang sila dito sa ating opisina,” paliwanag niya.
Ayon kay Narrazid, ang mga nagnanais pang magparehistro ay maaring magtungo sa kanilang tanggapan mula Lunes hanggang Sabado para makahabol.
Ang Bataraza ay may kabuuang 48, 491 registered voters noong nakalipas na 2019 elections.
