Home NEWS OF THE DAY Biktima ng rape sa bayan ng Rizal, humingi ng agarang pag-aresto ng...

Biktima ng rape sa bayan ng Rizal, humingi ng agarang pag-aresto ng suspek

Ang biktima (nakatalikod) habang kinakapanayam ng Palawan News sa bayan ng Roxas. | PN photo

 

Isang 15-year-old na biktima ng panghahalay ng kanyang sariling amain (stepfather) ang nanawagan sa mga awtoridad ng Rizal upang mapanagot ang suspek na anila ay matagal na nilang nasampahan ng reklamo subalit nananatiling nakalalaya at hindi gumagalaw ang kaso.

Sa isang panayam ng Palawan News sa biktima noong Huwebes (February 4), pinangalanan nito ang suspek na isang Ninoy Liwas, 34, na aniya ay ginahasa siya ng ilang beses sa loob ng nakaraang dalawang taon.

Nagsampa ng reklamo ang biktima noong September 23, 2020, sa Rizal municipal police station. Ayon sa kanya, nagpasya siyang magsampa ng kaso sa kabila ng pananakot na ginagawa umano sa kanya ng suspek.

“Kapag magsasabi ako na ayaw ko sumama, magagalit na siya sa amin. Tapos tinatakot niya ako na papatayin niya daw kaming mag-pamilya kapag nagsumbong ako,” ayon sa biktima.

Tumulong sa pagsasampa ng reklamo ang lola ng biktima matapos malaman nito ang nangyari sa kanya mula sa malapit na kamag anak.

“Sinumbong lang sa akin ng tita niya, galit na galit ako kaya kinuha ko ‘yan doon sa Rizal. Alam na yan sa buong lugar. Kahit nanay niya naabutan sila sa loob ng kulambo, hindi lang makapagsalita ang nanay niya dahil sa takot niya doon sa asawa niya,” pahayag ng lola ng biktima.

“Dito na muna kami sa anak kong isa sa Roxas para malayo muna siya doon sa lalaki na ‘yon. Hindi pa siya nakukulong ngayon. Wala pa kaming balita sa reklamo. Gusto sana namin makulong siya,” dagdag pahayag nito.

Ayon naman sa Women and Children’s desk ng Palawan Provincial Police Office (PPO), naisampa na nila ang kaso laban kay Liwas at hinihintay na lang ang korte na magbaba ng resolusyon. Kapag hindi sumagot ang suspek ay saka ito bababaan ng warrant of arrest.

Tinulungan ng mga awtoridad ang biktima na makipag-ugnayan sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO)  para sa pangangailan nito sa psychological counseling.

Previous articleRep. Acosta leads groundbreaking ceremonies for two road projects in Puerto Princesa
Next articleLola, patay sa vehicular accident sa Roxas