Nakilala na ang lalaking biktima ng pambubugbog ng tatlong hindi pa matukoy na suspek na nakuhanan ng cellphone video at CCTV malapit sa kanto ng Mabini Street at Macasaet Street sa Barangay Maunlad, noong Martes ng madaling araw, Marso 8.

Ayon kay Puerto Princesa City Anti Crime Task Force (ACTF) chief Richard Ligad, lumalabas na dalawa ang biktima na kinilalang sina Ronald Maring, 19, ng Brgy. Mandaragat, at isang menor de edad na 17 taong gulang, mula naman sa Brgy. San Miguel. Si Maring ang nakuhanan ng video habang binubugbog ng tatlong suspek noong Martes ng madaling-araw.

Hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga nambugbog sa mga ito.

Inihayag ni Ligad sa kanyang We R1 at Your Service Facebook page na alas tres ng hapon noong araw ding yun ay tumungo ang mga biktima sa tanggapan ng ACTF, at pagkatapos ay sinamahan nila ang mga ito na tumungo sa Puerto Princesa City Police Station 1 (PS-1) para magpa-blotter.

“May grupo rin sila. Ngayon, hindi sila yong ordinaryong taong naglalakad lang, kasi yong isa o dalawa doon ay suki din namin sa anti-crime. Lagi naming pinauuwi yong mga yon dahil nai-involve sa kaguluhan,” pahayag ni Ligad.

Noong una ay ayaw pang magkuwento ng mga biktima kung ano ang nangyari, bagama’t alam ng mga ito kung anong grupo ang kinabibilangan ng mga suspek at kung ano ang kanilang mga pagkakakilanlan.

Pababa sa Valencia Street ay nag-umpisa na ang girian sa pagitan ng mga grupo na kinaaaniban ng biktima at mga suspek noong Martes, ayon sa mga biktima.

Bago yon ay kumakain lamang sila sa tapat ng Ospital ng Palawan (ONP) at saka pumunta sa hindi na tinukoy na eksaktong lugar sa may pinangyarihan ng insidente sa Maunlad.

“Galing po kami ng provincial [ONP], naka-tricycle kami, tapos nakita namin ang kaibigan namin, bumaba kami sinabayan namin maglakad. Bigla na lang kaming binabaan ng tatlo sa motor,” kwento ni Maring kay Ligad.

Habang kinakapanayam ay nasermunan pa ni Ligad ang dalawa dahil kahit oras na ng curfew ay nasa labas pa ang mga ito.

Dagdag niya, bagama’t duda siya na may kinaaniban din na grupo ang dalawang biktima ay hindi tama ang nangyari sa kanila.

“Tingnan n’yo nga naman, kung sumunod sana kayo sa curfew, wala kayong kinakaharap na ganyang problema,” ani Ligad.

“Kung naghapunan ka at natulog ka na lang, hindi yung lumabas ka pa, at napag-trip-an nga kayo. Ayan ang problema kapag hindi natin sinusunod ang curfew, tapos tatambay kayo. Hindi bale, mali din ang ginawa sa iyo, kaya hanap tayo ng katarungan dito. Makikilala at makikilala rin natin ang mga yun,” dagdag niya.

Samantala, sa impormasyon na nakuha ng Palawan News sa PS-1 ay 19 at 20 ang edad ng dalawa, taliwas sa sinabi ng mga ito sa ACTF na sila ay 19 at 17 lamang.

Umaasa naman ng imbestigador na babalik ang dalawa ngayong araw para sa resulta ng kanilang medico-legal at karagdagang impormasyon kaugnay sa gulong kinasangkutan.

About Post Author

Previous articleEl Nido resident rescues Philippine palm civet mauled by dogs
Next articleCharlie’s El Nido: How a posh hotel survived the challenges of the pandemic
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.