Hello, Palawan News! Tungkol sa PN Inbox, nais kong makibahagi sa inyong panawagan.
Pagkatapos ng eleksyon, bagong liderato na naman ang haharap sa lumang suliranin ng bayan, ang “tax leak on sales transaction”. Papaano? Sa hindi paghingi ng resibo ng mamamayan sa binabayarang serbisyo o produkto.
Halimbawa na lang, sa pinamili o binayarang “VATable goods and services” na nagkakahalaga ng P112, ilang bahagdan (%) ba ang sana’y buwis na dapat mapunta sa kaban ng bayan? “12% VAT + 2.4% Local Business Tax + say, 1% income tax = 15.4% o P15.40”! Iyan ang nawawala sa kaban ng bayan tuwing hindi tayo humihingi ng rehistradong resibo sa bawat isang daang pisong pinamili natin.
Papaano maitutuwid ito sa ngayon?
Ang aking mungkahi ay bigyan ang mamamayan ng balik-bayad o “rebate” batay sa halaga ng kanilang binayaran. Papaano ito maisasakatuparan? Hihikayatin silang i-upload sa pamamagitan ng isang “mobilie app” ang larawan ng resibo ng kanilang binayaran. Gamit ang makabagong teknonohiya, madali itong maisasagawa.
Sa buwis na 15.4% sa bawat P112, maanong ibalik sa “uploader” ang, halimbawa, 3-5% ng karagdagang buwis na makokolekta sa ilalim ng nasabing programa? Sinong konsyumer ang hindi sisipaging makibahagi sa programang ito? Higit na mainam na ibalik ng pamahalaan sa mamamayan ang 3-5% ng karagdagang “business and income tax collection” sa ilalim ng nasabing programa kesa tuluyang maging bula ang buong 15.4%, di po ba?
Sa ganitong sistema, tiyak na panalo ang bayan. Makikita pa sa “back-end database” ng “mobile app” kung tama ba ang “sales declaration” ng lahat ng negosyante sa lungsod at buong Pilipinas kung “nation-wide” ang implementasyon. Dahil dito masisigurong tama ang halaga ng buwis na kanilang babayaran. Maliban dyan, malalaman din kung sino o aling mga negosyo ang hindi rehistrado sa LGU at lokal na distrito ng BIR; at kung sino ang nag-i-issue ng mga pekeng resibo.
Mabuhay ang Pilipinas!
Rante J. Ramos
