Isang lalaki ang hinahanap ngayon ng opisyales ng Barangay San Miguel, Puerto Princesa City matapos na mag-post ito sa kanyang Facebook page ng umano’y pambubugbog sa kanya ng ilang kabataan sa P. Vicente Street noong gabi ng Enero 20.

Ang biktima na si Christopher Tamayo ay hinimok na magtungo sa Barangay Hall upang magsampa ng kaukulang reklamo.

Sa panayam ng Palawan News kay dating kagawad at ngayon ay tanod supervisor Renato Jaurige, sinabi nitong maaaring nahuli pa sana ang mga suspek at nasampahan ng kaso kung agad dumulog ang biktima sa kanilang barangay matapos ang insidente.

“Wala kasing report dito sa amin, wala ding nagpa-blotter. Sa Facebook na lang namin nakita,” pahayag ni Jaurige.

“Posible yan na after roving namin, bago yan binira ng mga kabataan. ‘Yan na rin kasi ang problema namin sa mga kabataan. Malamang may mga record yan dito sa barangay kaya gusto rin namin na may magsampa din talaga ng kaso sa kanila,” dagdag pa nito.

- Advertisement -

Maging ang opisyales ng barangay ay nahihirapan din umano sa mga kabataang nakaugalian nang matulog sa araw at gising sa gabi saka gumagawa ng mga kalokohan.

“Bandang ala una ng madaling-araw yang mga yan gising at nambibira talaga. Di naman magalaw ng mga tanod natin at tayo naman ang balikan. Nirereklamo ang mga tanod natin. Sa totoo lang mainit na ang mga tanod sa mga yan,” aniya.

“May mga hide out din yan dyan sa Baltan. Pinasok na namin tapos lilipat nanaman sila sa bakanteng lugar dyan sa SM,” saad pa nito.

Sa Facebook post ng biktima, sinabi niyang bibili lang siya ng ulam para sa hapunan ng mapagtripan na bugbugin ng ilang mga kabataan.

 

 

Previous articleCulion parish priest cries foul over deliberate destruction of ‘No to Division’ campaign materials
Next articleSan Vicente to hold 2nd surfing competition
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.