SAN VICENTE, Palawan — COVID-free na ang bayan ng San Vicente matapos ibalita ng Municipal Health Office (MHO) na gumaling na ang isang indibidwal na dinapuan ng sakit noong Mayo 3.

Sa impormasyong ibinahagi ng MHO, sinabi nitong wala nang aktibong kaso ng COVID-19 ang munisipyo matapos mag negatibo sa antigen test ang isang lalaking residente ng Barangay  New Agutaya na naka-isolate sa Ligtas COVID Facility ng Pamahalaang Bayan.

“[Sumailalim siya kanina sa] antigen test. Pang-14 days niya today. Nag-negative naman siya sa repeat antigen niya.  And then ‘yung mga first degree contact niya – family niya – negative din silang lahat so discharged na sila,” pahayag ni municipal health officer Mercy Grace S. Pablico.

Ani Pablico, pinayuhan din ang naturang indibidwal na sumailalim pa sa pitong araw na home quarantine.

Samantala, nag-negatibo rin sa isinagawang confirmatory test ang tatlong naiulat na probable cases noong araw ng Sabado, Mayo 1. Ang tatlong indibidwal ay kinabibilangan ng 24 taong gulang na babae mula sa Sitio Macatumbalen, 23 taong gulang na lalaki mula sa Little Baguio, at 28 taong gulang na babae na residente ng Brgy. Alimanguan.

Nagpahayag din ng kagalakan ang hepe ng MHO sa pagbuti ng sitwasyon ng COVID-19 sa munisipyo.

“Nakakatuwa at saka nakaka-relieve dahil zero case na tayo. Wala na tayong new cases. Patuloy ang ating dalangin na sana wala na talagang sumunod at ma-contain talaga natin,” ani Pablico.

Malaking bagay din umano ang pagsusumikap at ginagawang interbensyon ng Municipal Inter-Agency Task Force upang mapanatiling nakokontrol ang sitwasyon ng COVID-19 sa San Vicente. Epektibo rin ang ginawang paghihigpit sa pagbiyahe papasok at palabas ng munisipyo.

“Syempre sa effort talaga ng IATF. ‘Yung mga planning natin, ‘yung brainstorming, at saka ‘yun nga ‘yung ating travel restrictions. Kasi itong huling active case natin na-catch natin ‘yan because of the travel restrictions na ipinatutupad natin,” dagdag pa niya.

Bagaman wala nang aktibong kaso, patuloy na pinaaalalahanan ng MHO ang publiko na patuloy na sumunod sa itinakdang standard health protocols upang maiwasan ang pagkahawa ng COVID-19.

“Hangga’t maaari [ay] stay at home kung hindi rin naman ganoon ka-importante ang reason natin para lumabas. Iwasan pa rin ang mga gatherings and always practice ‘yung ating standard health protocols,” paalala ni Pablico.

About Post Author

Previous articleEl Nido nagtala ng 11 bagong kaso ng COVID-19 at dalawang recovery
Next articleBayan ng Cuyo may isang bagong kaso ng COVID-19
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.