Sinimulan na ng Municipal Health Office (MHO) sa bayan ng Roxas ang pagbabakuna sa mga senior citizens mula sa iba’t-ibang barangay sa municipal covered gym, araw ng Lunes, Mayo 24.
Unang binakunahan kahapon, Mayo 24, ang mga senior citizens mula sa Barangay 1 at Barangay 2, at ngayong araw naman, May 25, ang mga mula sa Barangay 3 at Barangay 4.
Nakatakda naman ang mga senior citizens na mula sa New Barbacan, Minara, at San Nicolas sa araw ng Huwebes, Mayo 27.
Ayon kay Dr. Leo Salvino, Municipal Health Officer ng Roxas, nasa 500 doses ng Sinovac pa lamang ang dumating sa kanila.
“Kakaunti ang dumating na vaccine natin. Nasa 500 sinovac lang, ang target natin ay 5,000. Mabagal ang (pagdating ng) supplies,” pahayag ni Salvino.
“Ito ay first dose pa lang sa mga seniors. Kahapon may ilan lang kami na nakatanggap ng second dose, wala pang trenta katao,” dagdag niya.
“Mabagal ang roll out ng vaccine ng Palawan. Nakakainis na nga dahil ang dami pa naming iniintindi ngayon, may bakuna roll out tapos patuloy pa ang pagtaas ng COVID case namin sa Roxas,” ayon sa kanya.
“Nagtataka lamang ako bakit ang ibang probinsya nasa A3 na, nagpaplano na nga sa A4 para sa economic frontliners samatalang tayo ang taas taas na nga ng kaso natin,” himutok pa ni Salvino.
