Handa na ang bayan ng Rizal para sa nalalapit na 25th Southern Municipalities Friendship Meet (25th SMFM) na lalahukan ng siyam na munisipyo sa September 18-22.

Ayon kay Atty. Ryan Pacabis, municipal administrator ng Rizal, simula unang linggo ng buwan ng Setyembre ay inihanda na nila sa pangunguna ni Mayor Norman Ong ang kanilang mga selected game areas na siyang magiging pangunahing pagdadausan ng palaro kabilang ang municipal gymnasium, audio-visual hall, at MDRRMO Taining Center (MTC) para sa outdoor at indoor games.

“Tuloy-tuloy lang yong preparation ng Rizal para sa nalalapit na 25th SPMFM sa pangunguna ng aming Mayor Norman Ong kasama ang 16th Sangguniang Bayan members sa pangunguna ni Vice Mayor Ma. Gracia Zapanta para sa darating na Lunes, ang pagsisimula ng friendship meet na gagawin sa aming bayan,” pahayag ni Pacabis.

Inaasahang sa umaga ng September 18 ang dating ng mga manlalaro mula siyam na munisipyo na siyang tutuloy sa iba’t ibang quarters na inihanda ng Rizal. Sa hapon naman ay agad na magsisimula ang laro ng mga ito para sa volleyball, basketball, at table tennis.

Pagtatagisan din ng mga ito ang mga indoor games katulad ng chess, dart, word factory, word scrabble, Mobile legends, at iba pa. Kabilang din ang singing and modern dance contest at Zumba competition.

Maituturing ding exciting game ang larong “supok” na magpapakita ng husay at lakas sa pag-ihip gamit ang boho na isa sa mga pamamaraan ng katutubong Pala’wan sa paghuli ng ibon sa gubat.

Samantala, umaga naman ng September 19 isasagawa ang parada ng mga manlalaro na magsisimula sa Rotonda-Punta Baja patungong municipal gymnasium, lalahok din sa mga ito ang mga municipal officials ng walong bayan.

Ayon kay Pacabis, layon nitong pagtibayin ang samahan ng siyam na munisipyo na kinabibilangan ng Aborlan, Narra, Quezon, Rizal, Kalayaan, Sofronio Española, Brooke’s Point, Bataraza, at Balabac, hindi lamang sa pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan kundi sa pagbibigay rin ng importansya sa larong pampalakasan.