Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa Palawan, tanging ang bayan ng Rizal ang nananatiling wala na uling kaso nito sa walong munisipyo sa bahaging sur ng lalawigan sa kasalukuyan.
Sa kabuuan ay nakapagtala lamang ang bayan ng pitong kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan, isa dito ang naitala ngayong taon at gumaling noong buwan ng Pebrero.
Ipinaliwanag din ni Dr. Kathreen Stephanie Luz Micu, municipal health officer ng Rizal, na ang pitong kaso ay puro imported cases.
“Lahat ng recorded natin dito ay all imported cases, wala tayong local transmission cases at ang huling imported case natin is Pebrero pa,” aniya.
Ayon pa sa kanya, bagama’t wala nang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa bayan ay hindi naman sila nananatiling kampante dito at patuloy ang kanilang paalaala sa mga mamamayan na sundin ang mga nakatakdang patakaran at alituntunin ng minimum health standards sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).
“Kinakailangan pa rin sumunod sa health protocols dahil nakasalalay sa kanilang mga gawain ang kaligtasan ng pamilya nila. Kami naman ay nandito para ipaalala ang minimum public health standards at i-isolate at i-treat ang mag-positibo sa COVID,” pahayag ni Micu.
Naniniwala rin si Micu na ang pagiging COVID-19 free ng bayan ng Rizal ngayon ay naka-depende pa rin sa mga mamamayan sa pagsunod nila sa mga polisiya na ipinapatupad ng Municipal Inter-Agency Taskforce on COVID-19 (MIATF).
Samantala, inihayag din ni Micu na upang mapanatili ang pagiging COVID-19 free ng bayan ay inilabas ni Mayor Otol Odi ang Executive Order (EO) No. 18, series of 2021 noong May 5 para sa paghihigpit sa inbound at outbound travels.
Nakasaad sa EO na kapag ang isang residente ay aalis at magtatagal ng mahight 24 oras ay kailangang sumailalim sa antigen test sa kanilang pagbalik o kung hindi man ay sumailalim sa 14 araw na home quarantine.
“Kapag balikan lang ang byahe ay hindi na kailangan antigen test pero kailangang mag-symptoms check sila for 14 days then mag-report sa BHERT (Barangay Health Emergency Response Team) kung may symptoms,” ani Micu.
Ang mga hindi naman residente ng kanilang bayan na magtutungo dito kabilang ang mga Authorized Persons Outside Residence(APOR) ay kinakailangan mag comply ng negative antigen test result.
