Sa 16 na bayan na nagtagisan ng galing sa pagsayaw at makukulay na kasuotan sa Paantiguan sa Baragatan Dance Parade Competition ay itinanghal na kampeon ang munisipyo ng Quezon kaya naiuwi nito ang espesyal na plake ng pagkilala at premyo na P200,000.
Ibinida ng mga opisyales ng bayan, sa pamumuno ni Mayor Joselito Ayala, ang maayos na choreography at sabay sabay na galaw sa pag-indak, ganoon din ang makulay na kasuotan at props na may temang “Manunggul Jar”, na kilalang artifact at bahagi ng sibilisasyon ng kanilang bayan.
Nakuha rin nito ang mga special award na Best in Choreograhy, Best in Costume, at Best Dancing Vice-Mayor na pinanalunan ni Vice Mayor Edwin Caabay.

Ang 2nd place ay napanalunan ng islang bayan ng Kalayaan at ang 3rd place ay nakamit ng El Nido. Mag-uuwi ang Kalayaan premyo na P150,000 at ang El Nido ay P100,000. Kapwa rin sila tumanggap ng plake.
Ang mga hindi pinalad ay nakatanggap ng P50,000 bilang consolation prize.
Nagwagi naman ng Best in Musicality ang munisipyo ng Magsaysay, at napanalunan din ang Best Dancing Mayor na si Magsaysay Mayor Manuel Abrea.
Ang bawat munisipyong lumahok sa kompetisyon ay binubuo ng hindi hihigit sa 30 miyembro at hindi naman bababa sa 20 na pawang mga elected, appointed local officials, at kawani ng bawat LGU.

Layunin ng kompetisyon na isulong ang pagkakaisa ng mga opisyales at kawani ng bawat LGU sa lalawigan at upang ipakilala ang kani-kanilang kultura at municipal festivities sa pagdiriwang ng Baragatan Festival.

Ang tema ng Baragatan Festival ngayong taon ay “Baragatan sa Bagong Palawan Ngayon- Moderno, Progresibo at Kilala sa Buong Mundo: Legasiya ng Tapat, Mahusay at Epektibong Paglilingkod sa mga Palaweño ng Administrasyon ni Gov. Jose Ch. Alvarez.”
