Nagpalabas ng patakaran ang Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) on COVID-19 ng bayan ng Quezon para sa mga nagnanais pumunta dito at mga residente na bibiyahe palabas.

Sa Executive Order No. 0011, series of 2021, na nilagdaan ni Mayor Joselito Ayala noong araw ng Lunes, Mayo 3, nakasaad na ang lahat ng inbound travelers ay kailangang magpakita ng negative antigen test, katibayan ng essential travel, at certificate of acceptance mula sa barangay na kanilang pupuntahan.

Para naman sa mga residenteng lalabas ng bayan, kailangang kumuha ng kanilang travel concurrence slip sa tanggapan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Ayon kay Noli Laurio, ang siyang municipal information officer ng Quezon, bago makakuha ng travel slip ang isang biyahero ay kailangan munang mag-sumite ng barangay certificate of residency, valid ID at supporting documents for essential travel. Sa oras ng biyahe ay kailangang ipakita ang travel slip sa checkpoint sa mga barangay ng Pinaglabanan at Berong.

Dagdag pa ni Laurio, mananatili ang kautusan hanggang patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Puerto Princesa at iba pang munisipyo sa lalawigan.

- Advertisement -

“Depende ito kung ano ang magiging kalagayan ng kaso ng COVID-19 sa Puerto Princesa at maging sa ibang munisipyo. At alam naman natin ang naging issue dito ang kaso ng COVID-19 galing sa Puerto Princesa na nagtungo sa ating bayan para makaiwas sa lockdown sa city,” pahayag ni Laurio.

“Simula ng mailabas natin ito noong April 30, batay sa napagpulungan ng MIATF ay may mga mahigpit tayong regulasyon sa lahat ng lalabas at papasuk sa ating bayan,” dagdag niya.

Patuloy din ang panawagan ng MIATF na sundin ang ang mga polisiyang ito para sa kaligtasan ng mga mamamayan ng bayan.

Previous articleApat na bagong kaso ng COVID-19 naitala sa Española
Next articleWorsening state of seafarers
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.