Pinagkalooban ng Philippine Charities Sweepstakes Office (PCSO) ang bayan ng Kalayaan ng isang patient transport vehicle (PTV) nitong araw ng Martes, Marso 29.
Ang nasabing PTV ay isinalin sa pangangalaga ng pamahalaang lokal ng nasabing bayan na tinanggap nina Corz Del Mundo at Ariel Carlos, executive assistants ni Kalayaan Mayor Roberto Del Mundo sa Paco, Manila sa harap ni PCSO general manager Royina Marsan Garma.
Ayon kay Carlos, malaki ang maitutulong ng nasabing sasakyan sa bayan ng Kalayaan para sa serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan.
Nagpasalamat naman si Del Mundo sa PCSO na napili ang Kalayaan na mapagkalooban ng ganitong uri ng transportasyon para sa mabilisang pagdadala ng mga pasyente sa pagamutan.
“Ang nasabing PTV ay malaking tulong para sa LGU at magagamit sa pangangailangan nito upang maihatid at masundo ng ligtas ang mga mamamayan ng kalayaan,” pahayag ni Carlos.
Ayon sa PCSO, may kabuuang 91 PTV ang ipinagkaloob nila sa iba’t ibang munisipyo sa mga government-owned hospitals noong araw ng Martes.
“Napakalaking kontribusyon ng PCSO sa mga kababayan natin sa buong bansa sa pag procure ng PTV para sa kanila,” pahayag ni Garma.
