SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Pitong bagong local case ng COVID-19 ang naitala sa bayang ito base sa ulat ng Municipal Health Office (MHO), araw ng Martes, May 18.
Ang pitong bagong kaso ay kinabibilangan ng tatlong babaeng 11, 32, at 52 taong gulang, at isang lalaking 42 taong gulang na mula sa Barangay Pulot Shore at dalawang lalaking 12 at 37 taong gulang at isang batang babaeng 4 taong gulang mula sa Pulot Center.
Sa panayam ng Palawan News kay Dr. Rhodora Tingson, municipal health officer ng bayan, araw ng Miyerkules, May0 19, ay sinabi niyang ang pitong bagong kaso ay pawang mga naging close contacts ng mga naunang kaso ng COVID-19 ng bayan.
“Ang apat, kasama sa mga previous antigen positive natin, contacts pa rin ng previous case, habang ang tatlo,hindi na kami nag-antigen, diretso RT-PCR na. Household contact din ng previous cases,” pahayag ni Tingson.
Dagdag ni Tingson ang pito na ito ay nasa Isolation facility na noon pang May 15 bago pa man kunan ng specimen para sa RT-PCR testing at nag-positibo noong May 18.
“Since May 15 pa sila sa isolation facility natin, pero naka strict home quarantine na since May 4 pa lang,” aniya.
Samantala, patuloy pa rin ang panawagan ni Tingson sa mga kapitan ng siyam na barangay ng bayan na i-monitor ang lahat ng kanilang mga residente na lumalabas o kung may dumarating sa kanilang komunidad na nanggaling sa mga lugar na may mga kaso ng local transmission lalo na sa Puerto Princesa, na ipaalam agad sa Municipal Inter Agency Taskforce on Covid19 (MIATF) para maiwasan ang pagkakaroon ng carrier ng virus sa kanilang lugar.
Sa kasalukuyan, may kabuoang 12 aktibong kaso ng COVID-19 ang bayan na ito.
