Muling nagtala ng dalawang bagong kaso ng COVID-19 ang El Nido nitong araw ng Miyerkules, Abril 21, ayon kay Dr. Marian Relucio, municipal health officer (MHO) ng nasabing bayan.
Ang mga bagong kaso ay kinabibilangan ng dalawang lalaki na 30 at 26 taong gulang.
Ang dalawa ay isinailalim sa antigen test noong Lunes, Abril 19, at sa RT-PCR test noong Martes ng umaga. Miyerkules ng umaga nang matanggap ng MHO ang resulta ng RT-PCR test kung saan ang dalawa ay nag-positibo sa COVID-19.
“Yung isa sa kanila ay galing sa Puerto at may sintomas na siya,” pahayag n Relucio.
Sa kasalukuyan ay may sampung aktibong kaso ng COVID-19 ang bayan ng El Nido.
“Nagsagawa na tayo ng contact tracing sa lahat ng nakasama nila noon pa lang nag-positive sila sa rapid antigen test at isinailalim na rin agad sila sa quarantine. Limited naman ang movement nila dito sa El Nido” ani Relucio.
Patuloy namang nananawagan ang doktor na sundin ang mga umiiral na health protocols ng MIATF kagaya ng palagiang pagsuot ng face mask at ang pag-iwas sa mga kumpulan at pagpapanatii ng social distancing.
