Nagtala ng 14 na bagong kaso ng COVID-19 ang bayan ng El Nido nitong araw ng Huwebes, Mayo 27, sa huling ulat na inilabas ng Municipal Health Office (MHO).
Ayon sa MHO, ang 14 na bagong kaso ay nag-positibo sa rapid antigen test habang wala namang naiulat na positibo sa RT-PCR test.
Sa kasalukuyan ay may 108 aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan base sa pinagsamang datos ng RAT at RT-PCR kung saan, 19 dito ay positibo sa RT-PCR at 89 naman sa rapid antigen test.
Samantala, inilabas din ng MHO ang isang advisory kung saan, itinalaga ang lahat ng kawani ng tanggapan para magsagawa ng contact tracing at monitoring ng mga pasyente, upang mas mabilis at mas epektibong ma-control ang pagkalat ng virus sa bayan. Kaugnay nito, ang nakatakdang vaccination sa araw na ito ay ililipat sa ibang araw.
