Muling nagtala ng isang bagong kaso ng COVID-19 ang bayan ng Cuyo noong Lunes, Mayo 3, ayon kay Dra. Jackqueline Vigonte, Municipal Health Officer ng nasabing bayan.
Ang bagong kaso ay isang lalaking 57 taong gulang na mangingisda. Ayon kay Vigonte, sumailalim ito sa antigen test noong Abril 29 kung saan ito ay nagpositibo kaya isinailalim din agad sa RT-PCR test. Natanggap ng MHO ang resulta ng confirmatory test araw ng Linggo, Mayo 2.
“Kahapon lang ng hapon namin natanggap yung positibong resulta ng kanyang swab test,” pahayag ni Vigonte.
Ayon pa sa kanya, mas mataas ang risk ng mga mangingisda dahil palipat-lipat ng lugar at minsan ay napupunta sila sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID.
“Kasama siya doon sa isang fishing vessel, na roaming around Palawan waters. So this fishing vessels actuallly, hindi natin alam, pwedeng may transaction sila with other provinces na may mga cases din ng COVID like Mindoro, Antique, Iloilo, wherever na may mga positive cases din” paliwanag ni Vigonte.
Siniguro rin niya na nakapagsagawa na sila ng contact tracing.
“Na-antigen test na rin natin lahat ng close contact niya at nasa quarantine facility na rin ang mga ito. Negative naman yong antigen test sa kanila pero uulitin namin after 7 days,” dagdag niya.
Ayon pa sa kanya, nakahanda naman ang pamahalaang bayan ng Cuyo para kontrolin ang pagdami ng kaso ng COVID.
“We are doing our very best to contain or at least ma-minimize yong transmission by requiring inbound travelers to present negative antigen testing. Kasi hindi lahat ng byahero ay can afford ng RT-PCR Testing dahil may kamahalan ito. Kino-consider namin yung antigen test kasi atleast 90% yong posibility na correct yung diagnosis sa kanila,” ani Vigonte.
“We coordinate with Cuyo District Hospital for those symptomatic patient para sa isolation and diagnostic procedure, at kong wala namang sintomas kada Barangay naman ay mayroong quarantine facility lalo na kung close contact sila at negative naman sa antigen test,” dagdag niya.
“May separate quarantine facility naman yong para sa mga nagpositibo talaga sa covid swab test, tudad ngayon isa lang siya dito sa kanyang quarantine facility. So as of now the LGU Cuyo try to have this antigen testing para ma screen yung lahat ng pumapasok sa Cuyo. Sa mga may sintomas na nararamdaman huwag kayo mahiya o matakot pumunta sa amin sa RHU. May mga available medication naman tayo, so yung nga may sintomas na negative naman sa COVID, binibigyan naman namin sila ng mga gamot na available dito sa RHU, huwag lang mahiya magpunta,” dagdag pa ni Vigonte.
