BROOKE’S POINT, Palawan — Muling naglabas ng bagong panuntunan kaugnay sa COVID-19 protocols ang Municipal Health Office ng bayang ito para sa mamamayan na bumibyahe palabas at papasok dito.

Ayon kay Dr. Lovelyn Sotoza, Brooke’s Point MHO Officer-in-Charge, ang bagong panuntunan ay alinsunod sa bagong labas din na guidelines ng National Inter-Agency Task Force.

Ayon sa bagong panuntunan ng bayan, ang mga “returning residents” ay hindi na kailangang sumailalim sa quarantine sa isang pasilidad maliban na lang kung ito ay galing sa labas ng bansa. Kailangan din na ang uuwing indibidwal ay walang anumang sintomas ng COVID at may negative RT-PCR test result na nakuha sa loob ng 72 oras bago umuwi sa lalawigan ng Palawan at partikular sa bayan ng Brooke’s Point.

Alinsunod naman sa Provincial Executive Order (EO) No. 50-2021, at sa Municipal EO 07-2021, kung may sintomas ng sakit o kaya naman naman ay walang RT-PCR result na dala, nasa disposisyon ng health authorities kung ang indibidwal ay i-quarantine at/o i-test.

Para naman sa mga manggagaling sa labas ng bansa na mananatili ng higit dalawang linggo sa Pilipinas, kailangan mong kumpletuhin ang 14 araw na quarantine mula nang dumating.

Ito ay pwedeng sa Maynila gawin sa regular na quarantine facility ng OWWA o BOQ na ginagawa nila sa mga dumarating na OFW.

Kailangan ding magdala lang ng certification na completed na o kung ilan ang nakumpletong quarantine days at ipakita sa airport pagdating sa Palawan. Kung kumpleto na ang 14 araw sa Maynila at may negative RTPCR result, hindi na kailangan pa ng additional quarantine pagdating sa Brooke’s Point.

Para sa mga Authorized Persons Outside Residence naman na galing sa National Government Agencies (NGA) at opisyal ang transaksyon, magpakita lamang ng valid ID, original o kaya ay certified true copy ng travel order mula sa ahensya na pirmado ng Secretary o designated official. Kailangan ding pumasa sa symptom screening at mag-comply sa health protocols ng bayan.

Ang sino mang makaramdam ng sintomas ng COVID o may kakilalang mayron nito, pinapayuhang makipag-ugnayan sa MHO sa pamamagitan ng pagtawag o pag-text sa mga cellphone number na 09050953583 at 09386035114.

Pinapayuhan din ang mga residente ng bayan na kung wala na namang importanteng gagawin ay manatili na lang sa bahay lalo na ang mga may sakit, senior citizen at buntis.

Ipinaala-ala rin ni Sotoza na ang pagkakaroon ng negative RT-PCR ay hindi nangangahulugang hindi makakahawa o hindi mahahawaan ng COVID.

Muli niya ring inihabilin na palaging sundin ang health and safety protocols na kinabibilangan ng palagian at tamang pagsuot ng face mask, paghugas ng kamay at ang isang metrong distansya sa bawat isa.

About Post Author

Previous articleAuthorities find freshly cut mangroves in Johnson Island
Next articlePSFI completes distribution of RBI system in El Nido, Taytay
is the correspondent of Palawan News in Brooke's Point, Palawan. She covers politics, health, government policies, tourism, and sports. Her interests are exploring different places, singing, gardening, reading bible and eating.