Muling naglabas ng bagong polisiya na kaugnay sa pagbiyahe patungo at palabas ng bayan ng Bataraza ang tanggapan ni Mayor Abraham Ibba nitong araw ng Huwebes, Mayo 6.
Sa bisa ng Executive Order No. 04, ang mga bibiyahe mula sa Puerto Princesa, kabilang ang mga authorized persons outside residence (APOR) ay kailangang magpakita ng negative antigen test result sa checkpoint na itinalaga ng Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19 (MIATF) pagdating sa Barangay Marangas.
Sa panayam ng Palawan News kay Ogie Flordeliza, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), sinabi niyang ang mga residente ng bayan na tumungo at nagtagal ng pitong araw sa lungsod ng Puerto Princesa ay kailangang sumailalim sa antigen test sa kanilang pag-uwi sa bayan.
“Sa MHO (Municipal Health Office) na sila isasailalim sa antigen testing upon arrival nila dito sa ating bayan. Ito ay nakapaloob sa polisiya na inilabas ng MIATF sa bisa ng Executive Order no.04 ni Mayor Ibba,” paliwanag ni Flordeliza.
“Inaasahan natin na sana ay sumunod ang ating mga kababayan at patuloy nga ang paghimok natin na kung hindi naman essential travel ay huwag na munang magtungo sa Puerto Princesa dahil sa mataas din na kaso ng COVID-19 doon,” dagdag niya.
Ayon pa kay Flordeliza, ang polisiyang ito ay epektibo hanggang hindi naglalabas ng bago si Ibba at habang patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Puerto Princesa.
“Kakatapos lang din ng granular lockdown natin sa Rio Tuba noong May 2, at panawagan natin sa lahat ng mga taga-Bataraza na patuloy nating sundin ang mga regulasyon na ipinatutupad ng ating lokal na pamahalaan para sa kaligtasan ng lahat,” aniya.
Samantala, kasama rin sa restrictions na nakapaloob sa Executive Order ang patuloy na pagbabawal sa lahat ng mga operasyon ng mga karaoke bars, cockfighting, perya, at kids amusement activity kasama ang 50 percent capacity requirement sa mass gatherings.
