Ipinahayag ng Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19 (MIATF) ng bayan ng Agutaya na muli nang magbubukas ang munisipyo para sa mga pasaherong nais umuwi sa nasabing bayan.
Sa huling pagpupulong ng MIATF, napagkasunduan na sa muling pagbubukas ay magpapatupad ng mga health protocols simula Mayo 15 hanggang 31, para sa mga nais umuwi sa munisipyo.
Lahat ng pasaherong magmumula sa bayan ng Cuyo at Magsaysay ay kailangang manatili ng pitong araw sa quarantine facility.
Ang mga pasahero naman na magmumula sa ibang bayan ng lalawigan ay kailangang magpakita ng negative antigen test result na hindi dapat lalagpas ng isang araw bago bumiyahe, at sumailalim sa 14 araw na quarantine sa isang pasilidad.
Ang mga APOR na may kaukulang opisyal na travel order ay maari lamang lumabas sa kanilang quarantine facility kung negative ang antigen test na gagawin sa kanila sa ika-pitong araw ng pamamalagi doon at mabigyan ng clearance na pirmado ng MIATF chairman.
Ang mga manggagaling naman sa labas ng lalawigan ay kailangang magpakita ng negatibong RT-PCR (swab) test results na hindi lalagpas ng 72 oras o tatlong araw ang validity.
Para naman sa mga manggagaling sa Mindoro ay papayagan ang negatibong antigen test results na hindi dapat lalagpas ng 24 oras. Kinakailangan sumailalim lahat ng mga byahero galing labas ng lalawigan ng Palawan sa labing apat na araw na quarantine sa pasilidad ng bayan.
Lahat ng pasahero ay kailangang magpakita ng travel pass o travel coordination permit, gumawa ng S-pass account at mag-secure ng QR bago sumakay.
Pinapayuhan din lahat ng kargo na lalabas ng Agutaya na hanggang pier lamang sila sa mga lugar na kanilang pupuntahan. Ang sinumang lalabas ng mga pier ng paroroonan ay kinakailangan sumailalim sa labing apat na araw na quarantine pagbalik sa Agutaya.
Muling ring ipinaalala ng MIATF ang palagiang pagsunod sa minimum public health standards at ang sinumang lumabag ay may kaukulang multa kaugnay ng ordinansa ng Sangguniang Bayan.
