Hanggang hindi bumababa ang kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Puerto Princesa ay mananatili ang apat na border checkpoints ng bayan ng Aborlan, ayon kay Mayor Celsa Adier.

Ang mga checkpoint na matatagpuan sa mga barangay ng Culandanum, Apurawan, Plaridel, at Isaub ay inilagay sa bisa ng Executive Order No. 21-024 na nilagdaan ni Adier noong ika-8 ng buwang kasalukuyan upang mahigpit na mabantayan ang mga residenteng lumalabas at pumapasok sa bayan.

Sa pahayag ni Adier nitong araw ng Huwebes, Mayo 20, sinabi niyang kapag tinanggal ang mga checkpoint ay hindi magkakaroon ng mahigpit na pagbabantay sa mga border at naniniwala siyang malaki ang magiging epekto nito kaniyang bayan at maging sa ibang munisipyo sa bahaging sur ng lalawigan ng Palawan.

“Ang mga cases natin sa Aborlan, may mga travel history din yan sa Puerto Princesa. Kaya hindi pwedeng maluwag tayo dito. Tayo ang boundary, medyo malaki ang kaso sa Puerto Princesa at kung luluwag tayo sa Aborlan, baka maisipan pa nilang lalabas ng siyudad kasi alam nila,maluwag tayo dito,” paliwanag ni Adier.

“Sa tulong ng MIATF, MHO, PNP at marines, very tight ang mga checkpoint natin ngayon dito. Kung ano ang regulasyon sa order kailangang masunod,” dagdag niya. 

- Advertisement -

Patuloy din ang pagpapayo rin ni Adier sa mga mamamayan na huwag na munang magtungo sa Puerto Princesa kung hindi naman ito mahalaga o emergency.

“Kung hindi essential travel, huwag ng pumunta sa city. Medical at emergency lang ang pinapayagan ng ating Doktor,” aniya.

Sa kasalukuyan,mayroong siyam na aktibong kaso ang Aborlan mula sa huling talaan ng Provincial Disaster and Risk Reduction Management Office (PDRRMO) nitong araw ng Miyerkules, May 19.

Previous articleApat na bagong kaso ng COVID-19 naitala sa bayan ng Rizal
Next articleCommunity outreach program isinagawa sa Barangay Cabayugan
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.