Photo from Information & Communication Section of San Vicente, Palawan Facebook page.

SAN VICENTE, Palawan — Isang kahilingan ang ipinaabot ni Mayor Amy Roa Alvarez sa Sangguniang Bayan na gumawa ng hakbang upang mabawasan ang singil sa tubig at makatulong sa mga konsumer ngayong may nararanasang pandemya.

Sa liham na ipinaabot ng Alkalde sa Sangguniang Bayan (SB) noong araw ng Miyerkules, Hunyo 30, hiniling nito na magpanukala ng isang ordinansa ang SB na magpapababa ng kalahating porsyento ang kasalukuyang water tariff rates sa munisipyo.

“Nais ko pong ipabatid sa ating mga kababayan na matapos po nating lagdaan ang pansamantalang pagpapababa ng upa sa public market at food court at pagtanggal ng bayad sa makeshift market, pormal nating minungkahi ang pagkaltas ng water tariff rate sa kalahati para sa lahat ng consumer sa buong Bayan ng San Vicente,” pahayag ni Alvarez

“Ito ay para maibsan ang hirap na dinaramas ng marami nating kababayan ng kahit kaunti man lamang na siyang hinihiling ng mga nakausap nating kababayan at opisyales ng mga barangay,” dagdag niya.

Kung mabibigyang aksyon, makikinabang sa naturang panukala ang lahat ng consumer ng San Vicente Water Works (SCWW) na pinamamahalaan ng Municipal Economic Enterprise and Development Office (MEEDO).

“Batid natin na marami sa atin ang nawalan ng pinagkakakitaan. Kaya kahit na maliit lamang ang mababawas sa buwanang gastusin ng kada pamilya mula sa pagpapababa ng singil sa tubig, ang matitipid naman ay pwedeng maipandagdag sa pambili ng pagkain, gatas ng mga bata, gamot ng matatanda, bitamina ng buntis, load pang internet ng mga mag-aaral, o konsumo ng amang nangingisda at nagsasaka,” paliwanag ng alkalde.

“Kung kaya kahit na mangangalahati ang income ng MEEDO mula sa water supply service nito, pipilitin ng pamahalaang magtipid sa mga kinokonsumo nito tulad ng kuryente, tubig, fuel, at iba pang gastusin ng mga opisina upang di maging kalakihan ang epekto ng magiging pagbaba ng income. Dapat nating tignan ito na magiging savings sa parte ng ating mga consumer lalo na ang hirap sa buhay instead na kawalan sa Pamahalaang Bayan. Mas may sapat na kakayanan ang ating lokal na pamahalaan upang madaling makabangon kung ikukumpara sa mga kababayan nating naghihirap dahil sa epektong dulot ng pandemya,” aniya.

“Sa nakaraang tatlong taon, umaabot ng P14 million ang average annual revenue ng MEEDO mula sa Water Works. Kung kalahati ang mababawas, humigit kumulang P7 million ang  ibababa ng kita ng MEEDO,” dagdag pa niya.

Nakasaad din sa sulat na ang pagbabawas sa singil ay sisimulan sa unang buwan ng taong 2021 hanggang sa matapos ang proklamasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng public health emergency sa bansa.

Sa kasalukuyan ay nagkakahalaga ng P100 kada 10 cubic meters ang minimum rate ng tubig sa bayan.

Sa ilalim ng panukala, ang isang kabahayan na may average monthly bill na P100 ay magbabayad na lamang ng halagang P50 sa kada 10 metriko kubikong konsumo sa tubig sa mga residential at maging sa commercial establishments.

Bagaman ang naturang panukala ay mangangahulugan ng pansamantalang pagbaba ng kita ng lokal na pamahalaan sa serbisyong patubig, naniniwala Alvarez na madali itong mababawi sakaling matapos ang pandemya at magsimulang sumiglang muli ang industriya ng turismo.

Iminungkahi rin ni Alvarez na ibaba sa kategoryang residential ang mga negosyong nag-apply ng temporary at permanent closure sa barangay. Gayundin, iminungkahi niya na itaas naman ng limang metro kubiko ang minimum mula 10 pataas sa 15 magmula sa susunod na taon.

Sa susunod na taon ay nais din ni Alvarez na itaas ang ang minimum volume at kasunod na mga bracketing ng limang metro kubiko para maging 15 kubiko metro na ang minimum at tumaas ang volume ng mga kasunod na bracket sa lampas 15 hanggang 25, lampas 25 hanggang 35, lampas 35 hanggang 45, at lampas 45.

Samantala, ipinanukala rin ni Alvarez na ipatupad na ng SB ang pangako sa mga taga Brgy. Port Barton na ilagay sa P60 ng minimum residential rate ng kuryente mula January 2021 saka babawasan ng 50% ayon sa unang panukala, kung saan sa kasalukuyan ay halos triple ng binabayaran sa Poblacion.

About Post Author

Previous articleIsang pasyente ng COVID-19 nasawi sa bayan ng Roxas
Next articleAdventist Hospital denies allegation it planned to defraud PhilHealth over patient’s death
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.