BATARAZA, Palawan — Nilooban ng mga magnanakaw ang information technology (IT) room ng Barangkas Elementary School sa Sarong District 1, bayan ng Bataraza noong Lunes, Marso 30.
Nalimas ang pitong pirasong HP Netbook, isang Acer laptop, at tatlong solar batteries na pawang donasyon mula sa Department of Education (DepEd) na bahagi ng kanilang proyekto para sa pampublikong paaralang hindi naaabot ng kuryente.
Sa impormasyong nakalap ng Palawan News kay Norilen Ferrariz, teacher in-charge sa nasabing paaralan, sinabi nito na hindi nila inaasahan na mananakawan ang kanilang paaralan dahil nakakandado at maraming bahay ang nakapalibot dito.
“Hindi namin aakalain na may gagawa nito dahil halos katabing bahay lang din ang co-teacher ko na iniiwanan ko ng susi at maraming bahay ang nakapalibot sa aming school,” ayon kay Ferrariz.
Dagdag pa nya, bagamat maraming bahay sa paligid ay hindi nila namalayan ang pangluloob. Sinira ng mga magnanakaw ang padlock kung kaya’t matagumpay nitong nakuha ang kanilang pakay.
“Mga 11 ng gabi gising pa ‘yong kalapit bahay, wala naman daw silang narinig na kahinahinalang ingay kaya posibleng madaling araw ito ninakaw,” dagdag pa ni Ferrariz.
Maari rin na may look-out ang magnanakaw na malapit sa paaralan dahil alam nito kung kailan walang tao ang naturang lugar.
“Maaring may look-out sya, kasi bakit alam nya kung kailan walang tao, sa likod ng paralan dumaan at ginamitan ng bara ang pintuan dahil may mga bakat ng yapak doon sa sinirang light materials na bakod,” ayon pa kay Ferrariz.
Samantala, ipinagbigay na rin ng guro ang pangyayari sa tanggapan ng barangay at sa mga awtoridad sa Bataraza.
Sa ngayon ay patuloy ng iniimbistigahan ng MPS Bataraza ang insidente.
Nanawagan naman si Teacher Ferrariz na kung sakaling may magbenta na kaparehong item ay ipagbigay alam sa mga awtorisad upang agad na mahuli ang mga suspek.