Pinag-iisipan ngayon ng lokal na pamahalaan ng Barangay Rio Tuba, Bataraza na aprubahan ang aplikasyon na inihain ng isang bagong pribadong kompanya upang mag-suplay ng tubig sa buong barangay.

Ayon kay punong barangay Nelson Acob sa panayam ng Palawan News, hindi na naging maayos ang serbisyo ng kanilang kasalukuyang water provider na Pilipinas Water sa kabila ng extension ng serbisyo nito sa nakaraang dalawang taon o mula 2018.

Aniya, binigyan na nila ng pagkakataon ang Pilipinas Water upang ayusin ang serbisyo nito ngunit hindi ito nagawa kaya patuloy ang kakulangan ng tubig sa barangay na may mahigit dalawang libong consumers na nakarehistro.

“Ang Memorandum of Agreement namin sa Pilipinas Water ay nagtapos na noong 2018 pa, meaning nagbigay kami ng chance sa kanila 2019 at 2020 pero wala talagang nagbago. Sa palagay ko maghahanap na kami ng bago,” pahayag ni Acob.

“Nasa amin na ang discretion nito kung aaprubahan namin si applicant at wala tayong magagawa kung nanaisin ng Council na palitan na,” aniya pa.

Noong Biyernes, Enero 22 ay isinalang ng Barangay Council ang aplikasyon ng Total Water Solution upang malaman ang mga proposed water operations nila sa buong barangay. Ayon kay Acob, sa loob ng buwang kasalukuyan ay maaari na silang magkaroon ng desisyon dito.

“Sa palagay ko naman medyo mababa ang kanilang singil per cubic meter pero depende ito kung maganda naman ang proposal why not,” paliwanag niya.

“Nagbigay din naman ng assurance sa atin ang mga mining companies dito sa Rio Tuba na tutulungan nila tayo kung sakaling magkakaroon ng takeover ang magiging bagong water provider,” dagdag pa niya.

 

Previous articleNew COVID-19 patient in Brooke’s Point “illegally” traveled from Malaysia
Next articleTatlong asosasyon sa San Vicente, nabigyan ng pagkakakitaan ng lokal na pamahalaan
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.