BROOKE’S POINT, Palawan — Namigay ng disinfectant solution sa mga mamamayan sa bayan na ito ang Municipal Health Office (MHO) matapos maubusan na ang mga tindahan ng supplies ng alcohol at hand sanitizer.
Ang paggawa ng mga do-it-yourself (DIY) disinfectant solution ay pinangunahan ni Dr. Lovelyn Sotoza, ang pinuno ng MHO.
Tinuruan din niya ang mga opisyales ng barangay kung paano ito gagawin para merong maipamigay sa mga residente sa kanilang lugar.
Aniya, maaaring gumawa ang mga residente ng sarili nilang disinfectant solution sa pamamagitan ng paggamit ng Zonrox at chlorine
Ang mga kakailanganin, ayon sa gabay mula sa Center for Disease Control (CDC) ay:
- Zonrox
- Chlorine
- Malinis na tubig

Sabi ni Sotoza, ang 9 na baso ng malinis na tubig ay tutumbasan ng isang baso ng Zonrox na puwede ng gamitin na disinfectant sa mga surfaces o ibabaw ng mesa at iba pang furnitures na maaaring kapitan ng virus sa loob ng bahay o opisina.
Puwede rin na kumuha sa stock solution ng pang-disinfect sa kamay basta susundin lamang ang instruction na ang 1 baso na makukuha ay dadagdagan ulit ng 9 na baso ng malinis na tubig.
“Basta ang instruction po para may magamit para sa paghuhugas ng kamay, 1 glass from the stock solution (ito po yong naunang timpla) dadagdagan ng 9 glasses ng tubig,” sabi ni Dr. Sotoza.
Maaari rin umanong gamitin ang chlorine kung sakaling walang Zonrox.
Sa 2 kutsara ng chlorine powder ay katumbas umano ng 2 litro ng malinis na tubig ay puwedeng gamitin na pang-disinfect ng mga surfaces sa bahay at opisina.
Puwede ring gumawa ng pang-disinfect ng kamay sa pamamagitan ng 1 kutsara ng chlorine powder na ihahalo sa 20 litro ng malinis na tubig.
Sinabi rin ni Dra. Sotoza na dapat ay paalalahanan ng mga kapitan ang kanilang mga nasasakupan na manatiling kalmado at huwag mag-panic dahil sa mga nababasa at naririnig sa social media tungkol sa COVID-19.
Ang dapat gawin ay sundin lamang ang mga panuntunan ng Department of Health (DOH) sa pag-iingat tulad ng social distancing, home quarantine, at iba pa.
Hindi dapat mag-panic dahil sa mga naririnig at nababasa sa social media, panatilihin lamang malinis ang ating tahanan, laging maghugas ng kamay at sundin ang mga pag-iingat na sinasabi ng DOH,”pahayag niya.