SAN VICENTE, Palawan — Nagsagawa ng candle lighting ceremony ang mga opisyales ng Barangay Kemdeng sa bayang ito, kasama ang mga empleyado ng barangay at miyembro ng Sangguniang Kabataan, bilang pakikiramay sa mga naging biktima ng New People’s Army sa nakalipas na 52 taon.
Kasabay ng nasabing aktibidad, kinondena ng komunidad ang mga gawain ng maka-kaliwang grupo na ayon sa kanila ay nagdudulot ng pagkaantala sa mga proyekto ng gobyerno na nagresulta sa mas mabagal na pag-usad ng kaunlaran, partikular sa nasabing barangay.
“With that activity, sana ay maiparating natin sa mga naging biktima na nakikiramay tayo sa kanila. Na kinokondena natin as member of the society iyong mga ginagawa ng mga maka-kaliwang grupo,” pahayag ni SK chairperson Catherine Abique.
Kaugnay nito, nanawagan din si Abique sa mamayan ng San Vicente na “tulungang maipaunawa sa mga kapatid na makakaliwa na ang karahasan at pakikibaka laban sa gobyerno ay hindi kailanman magdudulot ng kaunlaran sa komunidad, sa halip ay makipagtulungan na lamang patungo sa tunay na pagkakaisa ng mamamayan”.
“We want to emphasize na lahat tayo ay may ipinaglalaban din pero huwag sanang umabot sa point na may magbuwis ng buhay, na kailangang may magsakripisyo. Sino ang makikinabang ng mga ipinaglalaban natin kung mamamatay naman tayo?” ani Abique. “One more thing, ‘yon ding pagsira ng mga government projects, like ‘yong backhoe na sinunog na nag-ooperate sa Macatumbalen- Kemdeng Road, kami po ang nagsaripisyo sa loob ng ilang taon sa maputik at maalikabok na daan — na kung hindi sinunog, hindi kami magsasakripisyo ng ganun katagal,” dagdag niya.
Kabilang sa nakiisa sa aktibidad ang mga Barangay Tanod at mga Barangay Health Workers, sa pakikipagtulungan ng 33rd Marine Company ng Marine Battalion Landing Team 3 (MBLT 3).
