Ang bar na tinupok ng apoy sa Purok 5, Brgy. New Barbacan sa bayan ng Roxas. (Larawan mula sa Roxas MFS)

Isang bar ang tinupok ng apoy, samantalang nagpapatuloy naman ang nagaganap na forest fire sa bundok ng Barangay Abaroan, sa bayan ng Roxas.

Ayon sa Roxas Municipal Fire Station, nasunog ang Twilight dk Restobar na pag-aari ng isang Mark Timbancaya dakong 5:00 ng umaga ngayong araw ng Huwebes, Marso 3. Wala si Timbancaya sa lugar at tanging ang caretaker na siyang namamahala lamang ang nandoon nang maganap ang sunog.

Ayon kay FO2 Jason Villamor, building inspector ng Roxas Municipal Fire Station (MFS), mabilis na kumalat ang apoy sa nasunog na establisyemento dahil sa gawa ito sa light materials.

Dagdag niya, sa kanilang pagtatanong sa ilang mga saksi sa lugar, sa parte ng kusina nagsimula ang sunog na mabilis kumalat, at tumupok sa bar.

- Advertisement -

“Naireport sa amin, 5:05 ng madaling araw kanina. Mga 3 minutes lang nasa area na kami, halos nasa 50 percent na ang nasusunog. “Ibeberipika pa namin ang information na nakuha sa mga naging saksi doon sa sunog. Pero sabi ng iba, doon nagsimula sa kusina,” pahayag ni Villamor.

“5:09 nag-declare na kami ng fire under control, tapos siniguro naming wala na talagang mga apoy na naiwan at bandang 5:29 nag-declare kami ng fire out,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan ay hindi pa makapagbigay ng halaga ng danyos ang Roxas MFS at patuloy pa ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay dito.

Ito ang ikalawang sunog na naitala sa bayan ng Roxas sa pagpasok ng buwan ng Marso matapos maganap ang isang commercial/structural fire.

Samantala, inihayag din ni Villamor na umabot na sa tinatayang dalawa hanggang tatlong ektarya ang lawak ng napinsala ng forest fire sa Purok Magkakaisa, Sitio Linapawan, Brgy. Abaroan sa nasabi ring bayan, na nagsimula noon pang unang araw ng Marso.

“Estimated lang yun kasi hindi pa rin talaga natin malapitan at tanaw lang namin ang sunog kung saan lang ang kayang maabot ng ating sasakyan,” paliwanag ni Villamor.

“Walang mga bahay sa lugar kung saan nagsimula ang sunog. Tinitingnan namin baka maaring may nagkaingin doon sa lugar,” aniya.

Noong buwan ng Enero ay bumuo na ng forest fire task force ang bayan sa pangunguna ng Roxas MFS katuwang ang mga ahensiya ng lokal na pamahalaan at mga barangay para sa mabilisang pag-apula ng forest at grass fire sa mga barangay.

“Ang mga fire brigade natin sa barangay, pag may mga ganitong pangyayari, ina-activate natin yan. inaakyat natin ang lugar na may sunog pag madaling-araw kung saan hindi ganoon kalakas ang apoy, at hindi ganoon katindi ang init,” paliwag ni Villamor.

“Sa ngayon medyo malayo kasi ang sunog kaya pinag-aaralan pa namin kung saan kami magsisimulang umakyat. Kasi mahirap na, ayaw naman naming mapahamak ang aming mga tao at mga kasama. Mahirap na baka ma-trap din kami sa sunog pag hindi namin alam masyado,” dagdag niya.

Previous articleDTI reminds consumers to follow these guidelines in making online purchases
Next articleEl Nido tourism gradually recovers
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.