Bangkang tinangay ng suspek na si Zaldy Jaranilla na natagpuan sa Barangay Tenegueban ng bayan ng El Nido.

Isang bangkang tinangay ng lalaki mula sa Cuyo ang natagpuan ng awtoridad sa Barangay Tenegueban sa bayan ng El Nido nitong araw ng Miyerkules, Mayo 26.

Ayon kay P/Lt. Marvin Herrera, hepe ng Cuyo Municipal Police Station (MPS), matapos na siya ay sampahan ng reklamo sa barangay ay kinuha ng suspek na kinilalang si Zaldy Jaranilla ang bangka sa Maringian at sinakyan upang tumakas papunta sa El Nido noong Lunes ng gabi, Mayo 24.

“Ipinatawag siya sa barangay dahil sa kinasangkutan niyang problema. Hindi na siya sumipot, at noong gabi tumakas na siya gamit ‘yung bangka,” pahayag ni Herrera.

Dagdag pa ni Herrera, ang nakita nilang tanging motibo ng suspek ay gamitin ang bangka para tumakas at wala naman umano itong intensyon na ibenta ang bangka. Napag-alaman din na pagdating sa El Nido ay iniwan ng suspek ang bangka sa pampang, at saka tumakas gamit naman ang motorsiklo nito.

Sa kasalukuyan ay inaalam pa rin ngayon ng Cuyo MPS kung sino ang tumulong kay Jaranilla para makuha ang bangka at maisakay ang kanyang gamit, kabilang ang kanyang motorsiklo.

“Sa nakuha nating kopya ng CCTV, nakita dito na bumili siya ng isang container ng diesel. Wala naman siyang paggagamitan noon. Pagkatapos ay bigla na siyang nawala, kasabay ng bangka. May isa pang kasabwat ito na inaalam na namin kung sino,” paliwanag ni Herrera.

Dagdag pa ni Herrera, may mga nauna pang kaparehong insidente na ginawa ang suspek sa Maringian maliban sa iba pang reklamo na kanyang kinakaharap sa El Nido.

Sa ngayon ay patuloy na pinaghahanap  ng pulisya ang suspek na nakatakda ring sampahan ng kasong theft.

Previous articleArrest of protocol violators now ‘mandatory’: PRRD
Next articleDalawang bangkang pangisda nasabat ng awtoridad sa Linapacan
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.