Inilunsad ngayong buwan ng Agosto ng isang grupo ng kabataan sa bayan ng Coron ang community program na “Bangka at Chariot ni Eco Project” na naglalayong makatulong at makabahagi ng iba’t ibang fisheries management, approach and awareness sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Information and Education Campaign (IEC).
Ngayong linggo nang Agosto ang mga barangay na kinabibilangan ng Decabobo, San Jose, Turda, Lajala, at Cabugao sa bayan ng Coron ay nakatakdang puntahan ng grupong Coron Eco-Warriors para isagawa ang IEC.
Ang nasabing programa ay isasakatuparan sa tulong ng United Sates Agency for International Development (USAID) na nagkaloob ng halagang P25,000 bilang grant upang gamitin sa iba’ ibang mga pangangailangan katulad ng mga instructional material, poster, at sa mga audio-visual presentation at big book.
Ayon kay Eliazar Gomez, focal person ng grupo, sa mga gagawin nilang IEC sa limang barangay ay magbibigay sila ng impormasyong may kinalaman sa laganap na illegal at unregulated fishing, mga posters at brochures at iba pang IEC materials para sa pag-iingat ng yamang dagat at promosyon sa Ecosystem Approach to Fisheries Management. Kabilang naman sa magiging partisipante ng kampanya ay ang mga fisherfolks, kabataan at kababaihan.
“This Saturday, August 14 ang IEC po namin ay sa Decabobo. The following days ay sa nalalabing apat na barangay ng aming bayan. nakahanda na rin po ang aming mga IEC materials para sa kanila, maging ang mga powerpoint presentations, paayag ni Gomez. Nagpapasalamat kami sa USAID na nagbigay ng tulong para maipatupad ang aming activity sa community,” aniya.
Dagdag pa ni Gomez, nakipag-ugnayan din sila sa Municipal Agriculture Office (MAO) upang makapagkunsulta pa sila ng ibat-ibang paraan at mga kinakailangang impormasyon para sa kanilang isasagawang IEC.
“So far, ang target na mga barangay ay lima pa lang pero maaari pa po naming maabot ang iba pang mga barangay dito sa aming bayan upang makapagbahagi pa kami ng ibat-ibang kaalaman na naniniwala kaming makakatulong sa community,” paliwanag ni Gomez.
Nagbigay din ng paalaala ang grupo kaugnay sa ipinapatupad na health and safety protocols sa gitna ng banta ng Covid-19 para sa nakatakdang IEC. Kabilang sa paala-ala ang rekomendasyon na magsuot ng facemask at magpatala sa logbook para sa contact tracing.
