SAN VICENTE, Palawan — Nakatanggap ng 12 spray cans ang mga bagong miyembro ng Sto. Niño Banana Producers Association (SNBPA) sa Barangay Sto. Niño noong araw ng Huwebes, Mayo 7.

Ang knapsack sprayers na kaloob ng pamahalaang bayan ng San Vicente bilang suporta sa industriya ng pagtatanim ng saging sa naturang barangay, ay personal na iniabot ni Mayor Amy R. Alvarez sa mga benepisyaryo, na sinaksihan naman nina Municipal Agriculturist Rufino I. Clavecilla, Sangguniang Bayan member Ramir Pablico, at punong barangay Victorio Oncepido.

Ang turnover ceremony ay kasabay ng ika-32 anibersayo ng pagkakatatag ng Sto. Niño na ipinagdiwang sa pamamagitan ng simpleng programa at pagtatanghal na pinangunahan ng mga kabataan doon.

Sa maikling mensahe, binanggit ni Alvarez na ang programa ay bilang tugon sa kahilingan ng mga magsasaka na nagtatanim ng saging. Kanya ring pinasalamatan ang Sangguniang Bayan sa pag-apruba ng supplemental budget para sa pagbili ng mga can sprayers.

Ayon kay Danilo Antivo, pangulo ng Banana Producers Association, malaking tulong ang pagkakaloob ng Pamahalaang Bayan ng kagamitang ito upang mapagaan ang kanilang pagsasaka, . Gamit ang spray cans, mapapadali na anya ang kanilang paglilinis, pag-spray ng pesticides at maging sa paglalapat ng abono para sa mga dahon ng saging. 

“Malaki ang pasasalamat namin sa spray cans na ibinigay ni mayor. Kasi alam natin ‘yung gamit na iyan malaking bagay talaga iyan para sa aming pagsasaka sa taniman naming saging. Kailangan na kailangan talaga ang knapsack spray can,” ani Antivo.

Ipinangako rin ni Antivo na kanilang aalagaan at hindi sasayangin ang naturang kagamitan. Aniya, ito ay para sa mga bagong miyembro ng kanilang asosasyon na dati ay nanghihiram lamang sa kanila. 

Samantala, iniulat naman ng hepe ng Municipal Agriculture Office ang mga programa na itinataguyod ng Pamahalaang Bayan para sa sektor ng agrikultura. Ilan dito ang “Babuyan sa San Vicente “at ang “Balik-tangkilik Program.”

Ipinagmalaki rin niya na kilala na ang Bgy. Sto. Niño sa produktong saging partikular ang lakatan.

“Ang Sto. Nino ay kilala sa kamoteng kahoy, sa kamoteng bagin, sa mais. Ngayon kilala na [rin] ang Sto. Nino sa saging,” pahayag ni Clavecilla.

Pinuri naman ni Pablico ang mga proyektong isinasakatuparan ng Pamahalaang Bayan sa sektor ng agrikultura, imprastraktura, kabataan at iba pa.

“Bilang committee chairman ng agriculture, natutuwa po ako. Maraming mga programa ngayon na ibinigay na naman ng ating lokal na pamahalaan,” pahayag ni Pablico.

Ang Sto. Niño Banana Producers Association ay benepisyaryo rin ng iba pang programang pangkabuhayan ng Pamahalaang Bayan. Noong buwan ng Enero ay tinanggap nila ang kumpletong kagamitan para sa pagpo-proseso ng produktong saging.

Previous articleSitel temporarily ceases operations in main branch in Puerto Princesa City
Next articleBangkang pangisda nasabat ng awtoridad sa Cuyo
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.