Pagsasanay sa pagluto ng mga produkto na may ingredient na saging. (Mga larawan mula kay Fred Odronia)

[UPDATED] SAN VICENTE, Palawan – Sumailalim sa dalawang araw na pagsasanay tungkol sa banana processing ang 15 magsasaka ng saging sa Barangay Sto. Niño, noong ika-2 hanggang ika-3 ng Disyembre.

Ang nasabing pagsasanay ay ipinagkaloob ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng lokal na pamahalaan sa layuning mabigyan ng kasanayan ang mga miyembro ng Banana Processing Association sa paggawa ng banana bread at banana cake, gamit ang mga sobrang produktong saging.

Ayon SA DTI, piniling ipagkaloob ang ganitong pagsasanay upang maiwasang masayang o mabulok ang mga hindi naibebentang saging.

Ang mga banana growers na sumailalim sa pagsasanay sa pag-bake ng mga produkto na may ingredient na saging. (Larawan mula kay Fred Odronia)

“Nakapaloob sa training ang pagbi-bake ng banana bread at banana cupcake. Sa isinagawa nating profiling, nagkaroon kami ng kaunting discussion – sabi nila mas madali raw maibenta ang cupcake gawa ng naibebenta lamang ito ng P10 to P15 lalo sa mga bata. Kaya ang naging target talaga ay ‘yung cupcake, which is nakikita ko na naging maayos naman ‘yung [kanilang training]. Nagsisimula na silang magmarket,” pahayag ni Hendrich A. Ronquilla ng DTI Negosyo Center.

- Advertisement -

Ipinagkaloob din ang mga kagamitan tulad ng oven at iba pang supply upang matulungan ang asosasyon na makapagsimula sa kanilang kabuhayan.

Ayon kay Orlando L. Tadeja, presidente ng asosasyon, makatutulong sa kanila ang pagsasanay at mga kagamitang natanggap upang muling magkaroon ng pagkakakitaan.

Pinasalamatan din ni Tadeja ang suportang ibinigay ng lokal na pamahalaan ng Brgy. Sto. Niño at ng Sangguniang Bayan ng San Vicente.

“Ang masasabi ko sa mga ibinigay na gamit sa amin ng DTI at ng LGU lalong lalo na kay Mayor Amy Alvarez, nagpapasalamat kami dahil binigyan kami ng napakalaking oven at mga ingredients na gagamitin namin sa pagluluto,” wika ni Tadeja.

Dagdag niya, lubos na naapektuhan ng pandemya ang kanilang kabuhayan dahil wala nang bumibili ng kanilang produkto.

“Ito ay makakatulong sa amin lalong lalo na sa panahon ngayon ng pandemic dahil halos wala nang buyer ng saging naming lakatan. Nasisira, nabubulok na lang,” aniya.

Samantala, ayon sa DTI, sisikapin din nilang makapagbigay ng pagsasanay patungkol sa packaging at labelling sa susunod na taon upang mas mapabuti pa ang kanilang mga produkto.

Previous articleThe Tooth Shall Set You Free
Next articleHouse ratifies bill promoting entry of foreign direct investments
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.