Naglabas ng panuntunan ang Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) on COVID-19 ng bayan ng Balabac kung saan inilatag ang mga requirements para sa mga indibidwal na pupunta sa nasabing bayan sa isinagawang pagpupulong noong Huwebes, Abril 15.
Ayon sa MIATF, ipatutupad hanggang sa Abril 30, ang mga nagnanais magtungo sa Balabac ay kailangang magpakita ng negative RT-PCR o kaya ay negative antigen test result at medical certificate.
Ang bagong pakataran ay inilabas bunsod na rin ng patuloy na tumataas na kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Sa panayam ng Palawan News kay Mitra Tanjilani, hepe ng Balabac Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) nitong Biyernes, Abril 16, sinabi niyang sakop ng nasabing regulasyon maging ang mga Authorized Persons Outside Residence (APOR).
“Halimbawa may mga APOR officials na magtutungo dito sa amin, kasama sila sa nasabing requirements, hahanapin sa kanila ng MIATF ang mga nabanggit na dokumento,” pahayag ni Tanjilani.
Para naman sa mga residente ng Balabac na luluwas at tutungo sa lungsod, kailangan munang kumuha ng Barangay Certificate at pag-uwi ay kailangang sumailalim sa pitong araw na home quarantine na siya namang imo-monitor ng mga Barangay Health Emergency Responce Team.
“Pagbalik nila dito, ipapakita nila ang kanilang Barangay Certficate sa pier bilang patunay na sila ay returning residents,” dagdag ni Tanjilani.
Panawagan ni Tanjilani sa lahat ng pupunta sa kanilang bayan na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagsunod sa regulasyon ng MIATF para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga kababayan.
Samantala, inihayag din ni Tanjilani na dahil sa kasalukuyan ay may kaso rin ng COVID-19 ang kanilang kalapit na munisipyo ng Bataraza, mahigpit din ang pagbabantay ng MIATF sa kanilang pantalan katuwang ang Philippine Coast Guard at Philippine Ports Authority.
Ang bayan ng Balabac ay isa sa mga bayan sa lalawigan ng Palawan na hanggang sa ngayon ay nananatiling COVID-19 free.



