SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Umabot na sa kabuuang 3,725 residente ng bayan ng Sofronio Española ang nakatanggap na ng kumpletong bakuna laban sa COVID-19 mula ng magsimula ang vaccination rollout sa bayan noong buwan ng Hulyo.

Ang nasabing bilang ay mula sa huling consolidated data na inilabas ng Municipal Health Office (MHO) nitong araw ng Linggo, Nobyembre 14.

Ayon kay Dr. Rhodora Tingson, hepe ng MHO, ang bilang ay nasa 14 percent pa lamang ng kanilang target na 70 percent herd immunity o 26,191 indibidwal mula sa kabuuang 37,416 populasyon ng bayan.

Samantala, inihayag din ni Tingson na hihilingin nila sa Provincial Health Office (PHO) na mabigyan sila ng alokasyon ng bakuna para sa mga batang edad 12-17 taong gulang. Aniya, plano nilang simulan ang pagbibigay ng bakuna sa mga menor de edad ngayong ikatlong linggo ng buwang kasalukuyan.

- Advertisement -

“Ire-request natin sa PHO na mabigyan na tayo ng Moderna at Pfizer since ito lang ang pwede sa pedia. Kung mabibigyan tayo ng allocation this next week ay pwede na tayong magsimula,” pahayag ni Tingson.

Paliwanag niya, bagama’t mayroon pa silang stock ng mga nasabing brand ng bakuna, ito ay naka-allocate na para sa second dose ng mga adult at senior citizens kaya kailangan pa nilang mag-request sa PHO ng para sa mga bata.

Dagdag niya, sa sandaling mapagbigyan ang kanilang kahilingan ay agad din silang makikipag-ugnayan sa mga barangay officials para maipaalam sa mga residente at mapaghandaan nila.

Aniya, kailangan lang na samahan ng mga magulang ang kanilang anak na magpapabakuna.

Previous articleCountries wrap up the annual summit, commit to climate change targets
Next articleSPECIAL REPORT: Honda Bay boatmen see no silver lining in tourism reopening
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.