Katumbas na ng 25 porsyento ng kabuuang target na populasyon ang fully vaccinated na sa bayan ng San Vicente.

SAN VICENTE, Palawan — Bakunado na kontra COVID-19 ang nasa 8,717 residente ng bayan na ito simula nang ilunsad ang pagbabakuna noong buwan ng Marso, ayon sa Municipal Health Office (MHO).

Sa naturang bilang ay 5,313 ang fully vaccinated o katumbas ng 25 porsyento ng kabuuang target na populasyon para sa vaccination roll-out. Kabilang dito ang mga naturukan ng single-dose na Janssen vaccine.

Nasa 3,404 naman ang naghihintay na lamang ng kanilang iskedyul para sa ikalawang dose upang tuluyan ng magkaroon ng kumpletong proteksyon laban sa sakit na COVID-19.

Target na mabakunahan sa munisipyo ang 21,167 kwalipikadong residente na may edad 18 pataas.

Ayon sa hepe ng MHO, isa sa naging positibong epekto ng pagbabakuna sa San Vicente ay ang pagbaba ng bilang ng nao-ospital o nare-refer dahil sa COVID-19.

“Sa pamamagitan ng pagpapabakuna ay nagkakaroon tayo ng added protection. Lesser ang chance ng hospitalization once vaccinated ka at lesser din ‘yung chance sa mortality case due to COVID,” paliwanag ni municipal health office Dr. Mercy Grace S. Pablico.

Patuloy rin niyang hinihikayat ang lahat ng kwalipikadong residente, kabilang ang nakatatanda na makibahagi sa pagbabakuna lalo at may pinangangambahang Delta variant.

Nananatiling mababa kasi ang porsyento ng mga nagpapabakunang may edad 60 pataas na nabibilang sa A2 category. Ganito rin umano ang kinakaharap na sitwasyon sa ibang munisipyo at maging sa rehiyon sa MIMAROPA.

“Lagi nga naming sinasabi nang paulit-ulit [sa kanila] na ‘ang nakakasama ninyo sa bahay ay lumalabas, pwedeng maging source sila tapos kayo ang mahawa, malaki ang possibility na mahawa kayo tapos since kayo ang vulnearable p’wede kayong ma-infect at mas malala ang magiging epekto sa inyo,’” saad ni Dr. Pablico.

Upang mas mapabilis ang immunization program, magsasagawa na rin ang MHO ng pagbabakuna sa mga sitio.

Naglunsad din ng online registration kung saan maaaring magpatala ang mga indibidwal na gustong tumanggap ng bakuna. Ang mga nagpapatala ay makatatanggap ng mensahe kung kailan at saan sila mababakunahan.

Maaaring magparehistro ang mga ito sa link na https://bit.ly/3yVPs9O

Previous articleSunog naitala sa munisipyo ng Rizal
Next articleLPA entrenched in ITCZ will bring sporadic rains to Palawan
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.