Sa kaliwang larawan ay makikita si dating Narra Mayor Lucena Demaala na ligtas na nakalabas mula sa nasusunog na bahay.

[Updated] Tinupok ng apoy ang bahay ni dating Narra mayor Clarito at Lucy Demaala sa Barangay Panacan 1, Narra, Sabado ng gabi.

Naisalba naman ng mga Demaala ang dalawang sasakyan bago tuluyang matupok ang buong bahay.

Ayon sa Narra Fire Station, 10:18 nang gabi nang makatanggap sila ng tawag kaugnay sa sunog.

Agad na rumesponde ang kanilang tatlong fire truck, na ayon sa mga saksi ay hindi naging sapat ang tubig dahil sa bilis na paglaki ng sunog.

Sa video na ito na ibinahagi ni Yves Dranreb Celorico Gonzaga ay maririnig ang pagkataranta dahil sa naganap na sunog.

Dahil dito, nagpadala ng karagdagang fire truck at mga tauhan ang Aborlan Fire Station, Aborlan Municipal DRRMO, at Quezon Municipal Police Station.

Samantala, sa kanyang FB account ay nagpasalamat si dating mayor Lucy sa lahat ng tumulong sa kanila sa Panacan 1. 

“Maraming salamat sa lahat ng tumulong sa naganap na sunog sa Demaala compound thanks God wala[ng] casualties,” pahayag nito.

Wala pang maibigay na kabuuang detalye ang Narra Fire Station sa naganap na sunog kung saan dalawa pang mga bahay sa loob ng compound ang natupok, ayon sa imbestigador na si FO1 Gaspar Jagmis.

“Kagagaling lang namin sa area para mag-conduct ng investigation. Hindi pa matukoy kung ano ang eksaktong pinagmulan ng sunog pero posibleng faulty electrical wiring,” pahayag niya.

Aniya, ang inisyal na halaga ng natupok na ari-arian ay P10 milyon, ngunit maaaring tumaas pa ito, depende sa kung ano ang lalamanin ng affidavit of loss ng pamilya Demaala.

Idinagdag pa ni Jagmis na meron ding iba pang pag-aari na nadamay sa sunog na tumagal ng mahigit dalawang oras.

***
EDITOR’S NOTE: Ang balitang ito ay in-update bandang 1:32 p.m., ngayong Linggo (December 4), para isama ang pahayag ni FO1 Gaspar Jagmis, ang imbestigador ng Narra Fire Station.

About Post Author

Previous articlePNP to boost security for holiday season
Next articleNew K-content titles to get excited about this Christmas on Netflix
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.