No Images found.

Bahay ng guro sa Brooke’s Point nilooban

Dumulog sa himpilan ng pulisya si Mary Grace Villaruz upang ireklamo ang panloloob sa kanilang tahanan sa Brgy. Salogon, Brooke's Point noong Linggo, Pebrero 21. -

BROOKE’S POINT, Palawan — Isang guro ng Palawan State University (PSU) sa bayan ang dumulog sa himpilan ng pulisya upang ireklamo ang pagnanakaw sa kanilang bahay sa Barangay Salogon noong Linggo, Pebrero 21.

Sa panayam ng Palawan News sa biktimang si Mary Grace Villaruz, sinabi nito na sinira umano ng magnanakaw ang bintana ng kanilang bahay na siyang dinaanan upang makapanloob.

Sinamantala rin aniya na walang tao sa kanilang bahay nang ginawa ang panloloob.

“Sinira ng magnanakaw ang slide ng bintana at lock ng kwarto at itinaon niyang nasa simbahan kaming lahat,” pahayag ni Villaruz.

Natangay ng magnanakaw ang kanyang ATM card at perang P21,000.

“Nadala niya ang aking safety box na naglalaman ng more or less P21,000 at ATM card sa loob ng drawer ng aking mesa,” ani Villaruz.

Ayon pa sa kanya, tinatayang alas onse ng tanghali saka napansin ng kanyang nakababatang kapatid na mayroong isang lalaking kahina-hinala ang ikinikilos sa labas ng kanilang tahanan. Nang makita nitong papalapit na ang kanyang batang kapatid ay nagmamadali itong umalis sakay ng motorsiklong XRM 125 patungong bayan ng Bataraza.

Nadisgrasya pa umano ang suspek sa pagmamadali nito at nahulog ang screwdriver at pliers na posibleng ginamit sa pagnanakaw.

“Nakita pa ng kapatid ko pag-uwi nya galing simbahan na may kahina-hinalang lalaki sa labas at sa kamamadali ay nadisgrasya pa ito sa motor at  nahulog daw ang bible  at mga tools,  pero hinayaan nyang maiwan ang tools at pinulot nya lang ang safety box bible,” aniya.

Samantala,  sinigurado naman ni P/Lt. Mark RJ Sigue, hepe ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS), na agad nilang aaksiyunan ang reklamo ni Villaruz.

Hinimok din niya na magsumbong agad ang mamamayan kung sakalaing mayroong mapansing taong  kahina-hinala ang ikinikilos upang mas kaagad na mahuli ang masasamang loob.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry